Advertisers
KUNG ang Boracay at ABS CBN ay nagawang ipasara nung Duterte administration, bakit ang POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) ay hindi manlang nagalaw, sa halip ay lumawak pa?
Tanong ito ni dating Senador at magbabalik na si Bam Aquino.
Tama naman si Bam.
Kung bakit napakabilis naipasara ang ABS-CBN noon kahit walang balidong rason ay dahil gusto lamang gipitin ng nakaraang administrasyon ang noo’y nangungunang network, na gusto nilang angkinin.
Gusto kasi noon ng kaibigan ni Rody Duterte na si Dennis Uy at ni Manny Villar na bilhin ang ABS-CBN Corporation, pero hindi bumigay ang may-ari ng network, na mas minabuti pang isara kesa mapunta sa mga kaalyado’t kaibigan ni Duterte. That’s it!
At kaya rin ipinasara ang Boracay dahil overcrowded na raw. Sus! Lumuwag ba naman ang Boracay matapos nilang ipasara at kumupinihin kuno?
Ang totoo kaya nila noon ipinasara ang Boracay ay dahil gusto nilang makopo ang numero unong isla sa turismo sa buong mundo.
Pinagkakitaan lamang nila ang pagpalinis kuno sa Boracay. Aminin!!!
Balikan natin ang tanong ni ex-Senator Aquino: Bakit nga hindi maipasara ang POGO?
Ang sagot: Maraming opisyal ng gobyerno ang kumikita sa POGO.
Oo! Hindi lang mga dating opisyal at kaalyado ni Duterte, na ang iba’y sumisipsip na ngayon kay PBBM, ang kumakamal ng milyones sa POGO.
Ang komokontra para hindi mabura ang POGO sa Pilipinas ay yaong mga opisyal na nakikinabang sa POGO, peks man!
Kaya kung tunay si PBBM na kontra sa mga iligal na sugal partikular online gambling na ino-operate ng POGO, na ang mga nasa likod ay mga Intsik na dating mga kaibigan ni Duterte, once and for all ipasara niya ang POGO. Now na, Mr. President!
***
SONA ngayon ni PBBM. Ikatlong ulat niya ito sa mga Filipino simula nang mahalal noong Mayo 2022.
Inaasahang ibibida ni PBBM ang kanyang mga nagawa sa unang dalawang taon ng kanyang panunungkulan, at mga plano sa sunod na apat na taon ng kanyang termino na magwawakas sa 2028.
Sa SONA na ito, gusto natin marinig na ipapasara ni PBBM ang POGO at lahat ng online gambling partikular ang iligal na online sabong na walang naiaambag kahit singko sa gobyerno kundi krimen.
Ang kumikita lang naman sa online sabong ay ang mga opisyal ng law enforcement na may mga kolektong sa iligal.
Sigurado rin ako na may ilang opisyal ng PAGCOR ang tumatanggap ng “timbre” sa illegal online sabong. Mismo!
***
Bukod kina Honey Lacuna at Isko Moreno, may isa pang maka-masa ang tatakbong mayor sa Maynila.
\At sa tingin ko ay malaki ang tsansa ng challenger na mangibabaw sa Maynila. Dahil nagsawa narin sa pagmumukha nina Isko at Honey ang mga Manilenyo. Abangan!