Advertisers
NASAWI ang isang barangay captain nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nagsasagawa ng clean-up drive sa Sitio Tugatog, Barangay Marungko, Angat, Bulacan, Sabado ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Wenceslao Bernardo, nasa hustong gulang, may-asawa, tserman ng Brgy. Marungko.
Sa report ng pulisya, nangyari ang insidente 6:30 ng umaga ng Agosto 3 sa Sitio Tugatog.
Ayon sa imbestigasyon, habang naglilinis ang biktima kasama ang kanyang mga kababaryo nang sumulpot ang mga salarin lulan ng puting Yamaha Aerox. Bumaba ang angkas at walang kaabog-abog na binaril ng dalawang beses ang biktima sa likurang bahagi ng kanyang ulo.
Mabilis na tumakas ang mga salarin sa direksyon ng Bustos.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya.(Mark Obleada)