Advertisers

Advertisers

PCG: 3 barko na sanhi ng oil spill sa Manila Bay sangkot sa oil smuggling

0 25

Advertisers

INIIMBESTIGAHAN ng Philippine Coast Guard (PCG) kung nasa lugar ang tatlong sasakyang-dagat na responsable sa oil spill sa Bataan dahil sangkot sila sa oil smuggling o “paihi” kasama ng iba pang sasakyang pandagat habang nasa dagat.

Ayon kay PCG National Capital Region (NCR)-Central Luzon spokesperson Lieutenant Commander Michael John Encina, inaalam na ng kanilang investigating team ang tunay na dahilan kung bakit nasa karagatan ng Bataan ang lumubog na MT Terranova, MTKR Jason Bradley, at MV Mirola bago nangyari ang mga insidente.

Sinasabing sa ilalim ng sistemang “paihi”, ang langis mula sa isang malaking sisidlan ay inililipat sa mas maliliit na sasakyan sa dagat upang maiwasan ang pagbabayad ng buwis.



“Ang mga ganitong report ay hindi namin dini-discount. We are carefully coordinating din po sa other agencies para tulungan tayo sa previous citations ng mga barkong ito,” ani Encina sa isang panayam.

“Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon na ginagawa ng aming team. Kapag may resulta na, ito naman po ay aming ipapakita at ilalahad para maging transparent tayo kung ano talaga ang naging dahilan nito,” dagdag pa niya.



Sinabi rin ni Justice Undersecretary Raul Vasquez nitong Sabado na tinitingnan ng Department of Justice (DOJ) ang posibleng “conspiracy” na maaaring humantong sa kamakailang sakuna sa dagat sa Bataan na kinasasangkutan ng tatlong sasakyang pandagat na nag-leak ng libu-libong litro ng gasolina sa Manila Bay.

Nitong Biyernes, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tinitingnan ng DOJ ang pagsasampa ng class suit laban sa mga responsable sa oil spill.



Sinabi rin ni Remulla na ang lahat ng tatlong sasakyang-dagat ay magkakaugnay ngunit hindi nagpaliwanag.

Sa gitna ng imbestigasyon ng Marine Casualty Investigation Team ng PCG, sinabi ni Encina na titiyakin nilang hindi makakatakas ang mga responsable sa oil spill.

Matatandaan Hulyo 25 nang tumaob ang MT Terranova sa layong 3.6 nautical miles sa silangan ng Lamao Point sa Limay, Bataan na kungsaan may isang tripulante na iniulat na namatay.

Samantala, ang MTKR Jason Bradley, isa pang barko na lumubog sa karagatan ng Mariveles, Bataan noong Hulyo 27 ay may dalang 5,500 litro ng diesel na napag-alamang may mga tagas din.

Sumadsad naman ang MV Mirola 1 malapit sa baybayin ng Mariveles. Nakita ang langis na umaagos sa karagatan mula sa mga tangke sa loob ng sasakyang pandagat. (Jocelyn Domenden)