Advertisers
IBINUNYAG ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Secretary Larry Gadon na gumastos ang gobyerno ng “nakakagimbal” na higit sa P500 milyon para sa 433 security detail ni Bise Presidente Sara Duterte, pondo na sana’y magagamit para pakainin ang nagugutom at tulungan ang mahihirap.
Sinabi ni Gadon na ang magarbong paggastos para sa seguridad ng isang tao ay nagpapakita ng malaking pasanin sa pondo ng bayan, isyu ukol sa moralidad at wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Ibinunyag ni Gadon na pinanatili ni Bise Presidente Duterte ang 433 security personnel sa nakalipas na dalawang taon, kungsaan bawat isa ay tumatanggap ng tinatayang suweldo na P50,000 kada buwan.
“Ito ay nangangahulugan ng higit sa P20 milyon kada buwan, at sa loob ng 24 buwan, ito ay umaabot sa nakakagimbal na P480 milyon,” diin ni Gadon.
Dagdag pa niya, may mga datos na madaling hanapin online na nagpapakita na ang Office of the Vice President (OVP) ay gumastos ng P55 milyon mula 2022 hanggang 2024 para sa special duty allowances ng mga military at uniformed personnel.
“Ibig sabihin, higit sa kalahating bilyong piso ang ginastos para sa magarbong seguridad ng isang tao, isang halaga na sana’y mas mainam na nailaan sa pagpapatayo ng mga kinakailangang imprastruktura sa paaralan o paglalaan ng pagkain para sa mga tao,” ani Gadon.
“Mananahimik na sana ako sa isyu na ito, pinalaki pa ng mga taong gaya ni Sen. Bato Dela Rosa, na nananawagan sa mga pribadong mamamayan na alalayan ang security ni VP Sara, na para naman talagang may banta o’ delikado ang kanyang buhay,” paliwanag pa ni Gadon.
“She still has 373 security personnel even after removing the 75 PNP details, is the 373 still pitifully lacking? Some people surrounding her even claim that this is political harassment. Saan banda?,” tanong pa ni Gadon.
Para sa mga taon 2019-2021 o sa panahon ng termino ng nakaraang Bise Presidente, ang OVP ay gumastos lamang ng nakatakdang P5.7 milyon kada taon para sa special duty allowances, ayon sa parehong mga rekord ng badyet. Sinabi ni Gadon na ang halagang ito ay malayo sa P25 milyong alokasyon ni Duterte para sa parehong mga allowance hanggang sa taong ito.
Pinahayag din ni Gadon ang kanyang pangamba tungkol sa epekto ng napakalaking security detail na ito sa mas nakararaming populasyon, at ipinaliwanag na “kapag ginamit ang standard ratio na isang pulis para sa bawat 2,000 indibidwal, ang deployment na ito ay nagkakait sa daan-daang libong Pilipino ng mahalagang serbisyong pampulisya.”
Kinuwestiyon din ng opisyal ang pangangailangan ng ganito kalaking security detail para sa Bise Presidente, at binanggit na sa karamihan ng mga bansa, ang ikalawang pinuno ay karaniwang hindi nangangailangan ng ganito kalawak na proteksyon.
Humihingi ang OVP ng badyet na mahigit sa P2 bilyon para sa 2025, o 8 porsyento na mas mataas kumpara sa nakaraang taon.
Nanawagan si Gadon para sa mas mataas na antas ng transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng gobyerno at hinimok niya ang mga mambabatas at ang publiko na siyasatin ang badyet ng OVP.