Advertisers
SA unang pagdinig ng House Quad Comittee na ginanap sa Porac, Pampanga noong Biyernes, Agosto 16, iniharap ng komite sa droga ang dating intelligence officer ng Bureau of Customs na si Jimmy Guban
Inilahad ni Guban ang kanyang nalalaman sa illegal drug importation noong 2018 kungsaan nasabat ang ilang bilyong halaga ng shabu sa loob ng iron magnetic lifters sa Port of Manila.
Diretsahang sinabi ni Guban na ang may-ari ng naturang kontrabando ay ang “Davao Group” na pinamumunuan ng anak ni dating Pangulo Rodrigo Duterte na si Congressman “Polong” at ang mister ni Vice President Sara na si Manases Carpio, at ang dating presidential economic adviser na si Michael Yang, isang Chinese national.
Sinabi ni Guban na matapos niyang isiwalat noon sa Senate Blue Ribbon Committee ang kinalaman nina Polong, Mans at Yang, siya’y nakatanggap ng maraming pagbabante, tinanggal sa trabaho, kinasuhan at nakulong.
Anim na taon na ngayong nakakulong sa Bureau of Correction sa National Bilibid Prison si Guban.
Ang tanong: Kridibol kaya maging “state witness” kung sakali itong si Guban?
Dapat ay rebyuhin ang kanyang kaso. Mismo!
Hindi lang naman kasi si Guban ang nagsasabi na sina Polong. Mans at Yang ay sangkot sa illegal drugs.
Hindi nga ba’t nauna nang kinasuhan ni dating Senador Antonio Trillanes ng illegal drugs smuggling sa Department of Justice (DoJ) sina Polong, Mans at Yang.
Si Trillanes ay kabilang sa mga senador na nag-imbestiga noon sa P11-billion shabu sa magnetic lifters na pinalusot sa Port of Manila.
Inilatag ni Trillanes sa naturang imbestigasyon ang relasyon nina Polong, Mans at Yang sa Chinese drug lords na sina Richard Tan, Kenneth Dong, Peter Lim, at ilan pa kungsaan ipinakita niya sa pagdinig ang mga group picture ng Davao Group.
Pero nauwi lamang sa wala ang naturang imbestigasyon. Nabaliktad pa ang pangyayari, ang mga nagsiwalat ang nakulong. Pati si noo’y Senador Liela de Lima ay ginawan ng kasong droga at nakulong ng higit 6 years! Muntikan ding naibalik sa kulungan ang dating renegade soldier na Trillanes.
Bukod kina Guban at Trillanes, lumantad din sina dating PNP-Drug Enforecement Group (DEG) Colonel Eduardo Acierto.
Isiniwalat ni Acierto sa Senado ang kanyang mga natuklasang pagkakasangkot ni Michael Yang sa illegal drugs at ilan pang aniya’y Chinese drugs tulad ni Allan Lim at Johnson Chua na malapit sa Dutertes.
Tulad ni Guban, natanggal din sa serbisyo si Acierto at tinambakan ng kasong illegal drugs.
Lumantad din ang dating “hitman” ng Davao Death Squad na si Arturo Lascanas at nagsabing si Michael Yang ay drug lord na ang pinaka-amo ay si Digong. Ouch!
Si Lascanas, isang retiradong pulis, ay matagal nagsilbi kay Digong noong mayor pa ang huli. Tinalikuran niya si Digong dahil hindi na raw niya masikmura ang ginagawa nitong kademonyohan.
Isa pang hitman ng DDS na si Edgar Matobato ang nagkumpirma ng pagkakasangkot ng Duterte sa mga patayan sa Davao. Pinapatay aniya ang mga sumusuway sa Dutertes.
Dapat isalang muli sa imbestigasyon sina Lascanas at Matobato, House Speaker Martin Romualdez?