Advertisers
KUMBINSIDO kami na may ilalatag na impeachment complaint laban kay Sara. Noong Martes, habang bumubuhos ang malakas na ulan dala ng bagyong Enteng, tumayo si Kin. Rolando Valerino ng pangalawang distrito ng Maynila sa bulwagan ng Camara upang batikusin si Sara tungkol sa kanyang napakabastos na trato sa mga mambabatas sa nakalipas na public hearing. Hindi nangimi si Valeriano na kuwestiyunin ang kabastusan ni Sara sa harap ng subcommittee na tumalakay sa panukalang budget na P2.037 bilyon para sa OVP sa 2025.
Sinabi ni Valeriano na hindi niya nagustuhan ang pagtanggi ni Sara na sumagot sa tanong ng mga mambabatas tungkol sa paggamit ng budget ng OVP lalo na sa confidential fund na unang ibinigay sa kanya. Hindi rin nagustuhan ang asal ni Sara na palitan ang nakaupong chair ng subcommittee kahit wala siyang poder na gumawa ng ganoon. Pinuri niya si Kin. Stella Quimbo ng marikina City na buong paggalang na nagsabi na wala siyang poder upang hingin na palitan ang presiding officer ng committee.
Sa huli, ibinagsak ni Valeriano ang maituturing na punchline. Mukhang sumusunod lang si Sara sa nais ng kanyang amo na gumigipit sa mga mangingisdang Filipino sa ating karagatan o kaya mga panginoon ng mga POGO sa bansa. Giba si Sara. Kulang na lang sabihin ni valeriano na isa siyang taksil sa bayan.
***
HANGGANG ngayon hindi naipaliwanag ni Sara Duterte ang paggamit sa P125 milyon na ibigay bilang confidential fund. Nanatiling mala-libingan na katahimikan ang asal ng pangalawang pangulo. Hindi nasabi ni Sara kung paano ginastos sa loob ng 11 araw ang pondo ng bayan.
Gayunpaman, malinaw ang Commission on Audit (CoA) sa inisyung notice of disallowance (ND) sa P73-M kaugnay sa P125-M na confidential fund na ibigay noong dakong katapusan ng 2022. Nalipat ang halaga sa pakay na hindi itinadhana ng tamang paggamit ng confidential fund. Tumanggi si Sara na ipaliwanag ang kanyang panig.
Hindi malaman kung paano nilustay ni Sara ang confidential fund. Hindi malaman kung totoo ang bintang at hinala na napunta ito sa kanyang bank account. Ngunit malinaw ayon sa batas na technical malversation ang nangyari. Kasama ang technical malversation na batayan sa isasampang impeachment case laban kay Sara.
Batay sa paliwanag ng CoA, may itinadhanang menu kung saan isinasaad ang paggastusan ng pondo. Kapag ginastos ang salapi sa mga pakay na wala sa menu, nawawaldas ang salapi ng bayan. Technical malversation ito, ayon sa CoA. Ito ang maaaring sakdal kay Sara.
***
INABOT ng isang taon ang CoA bago sagutin ang hiling ni Kin. France Castro ng ACT-Teacher Party List. Hiningi ni Castro sa CoA na magsumite sa Kongreso ng audit report sa paggamit ng P125-M. Ang sagot ng CoA ay hindi pa umano tapos ang audit.
Lumabas ang audit report ng CoA sa budget hearing na kasalukuyang idinadaos sa Camara de Representante. Kinumpirma sa pagdinig na sinubukan ni Sara Duterte na pigilin ang CoA report. Dahil opisyal ito, wala siyang nagawa nang ilabas ng CoA ang ulat sa subcommittee na bumusisi sa panukalang budget ng OVP na umabot sa P2.037 bilyon sa 2025.
***
SINABI ni Kin. Joel Chua ng pangatlong distrito ng Maynila na maaaring matuloy ang sakdal na impeachment laban kay Sara kahit ihain ito ng Oktubre. Mukhang mapipilitan ang Camara na harapin ang sakdal na impeachment na ihaharap ng sinumang mambabatas sapagkat mas lumalalim ang masusing imbestigasyon sa performance ni Sara bilang kalihim ng Deped.
Simple ang paliwanag ni Chua: Marami pang lalabas na kapalpakan ni Sara.Mas lalo siyang madidiin. Hindi matatalikuran ng mga mambabatas kung may maghain ng impeachment laban sa kanya. Hindi namin naiintindihan kung bakit pilit na tinalikuran ni Sara ang pagpapaliwanag sa paggamit ng kanyang confidential budget.
Siniguro ni Chua na hindi makukuha ni Sara ang panukalang P2.037-B budget para sa OVP sa 2025. Hindi barya-barya ang budget ni Sara kaya hindi basta ibibigay ang hinihingi niya kung walang sapat na paliwanag, aniya.
May lumabas na bagong akusasyon kay Sara. Lumalabas na hindi ginasta ng maayos ang halagang P112-M confidential fund ng Deped noong 2023. Si Sara ang kalihim ang kalihim ng Deped. May sabit din ang P5.6-B feeding program ng Deped. Sumabit rin si Sara tungkol sa paggawa ng mga classroom. May planong gawin ang 7,550 classroom, ngunit nasa 208 classroom lang ang nagawa. Masyadong naiwan ang Deped sa ilalim ni Sara.
***
NAPANOOD namin ang Aug. 27 pagdinig ng Camara de Representante tungkol sa panukalang budget ng OVP. Isa lang masasabi namin. Kasuklam-suklam ang asal ng pangalawang pangulo. Kabastos-bastusan ang kanyang trato sa mga mambabatas. Hindi kami magtaka kung hindi ibigay sa kanya ang hinihingi niyang budget.
Hindi rin kami magtaka kung sumulong ang impeachment case na maaring isampa sa Camara alinmang araw mula ngayon. Wala siyang itinanim sa mga mambabatas kundi kabastusan. Marunong silang gumanti. Iyan ang dapat maintindihan ni Sara.
***
NAKIKITA namin na mananalo si Kamala Harris laban kay Donald Trump. L:ahat halos ng survey ay lamang na lamang si Kamala. May katwiran na maniwala na mananalo siya ng landslide. Walang kabuhay-buhay ang kampan ni Trump.
Kapag nanalo si Harri, siya ang kauna-unahang babae na maging pangulo ng Estados Unidos. Mas kakampi ng Filipinas ang sinumang panglo na kabilang sa Democratic Party. Kaibigan natin ang mga Democrat.
***
Email:bootsfra@gmail.com