Advertisers
MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang mahalagang papel ng Malasakit Centers sa pagtiyak na walang Pilipino ang mapagkakaitan ng access sa mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, partikular sa panahon ng kalamidad.
Ginawa ni Go ang paalala dahil sa mga nakaraang bagyo, kabilang ang Tropical Storm Enteng, na nagdala ng malakas na pag-ulan at malawakang pagbaha sa iba’t ibang rehiyon. Dahil dito, nagkaroon ng alalahanin ukol sa accessibility sa healthcare.
Binigyang-diin niya partikular na ang mga ospital, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), ay hindi dapat tumalikod sa sinumang pasyente, lalo sa panahon ng krisis.
“In line with the directive of DOH Secretary Ted Herbosa, all Malasakit Centers must provide services to every patient who seeks assistance, especially the poor and disaster victims. Wala pong dapat matanggihan, lalo na ‘yung mga kababayan nating hirap sa buhay at apektado ng sakuna,” sabi ni Go.
Ang tinutukoy ni Go ay ang DOH Department Memorandum 2023-0235, na nag-uutos sa mga ospital na magsilbi sa mga pasyente ng Malasakit Centers nang walang diskriminasyon.
Nagpahayag ng pagkabahala ang senador na maraming Pilipino, partikular sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad, ang madalas na nag-aalangan na magpagamot dahil sa takot sa mga bayarin sa ospital.
Inulit ni Go na nagtaguyod sa Malasakit Centers, ang kanyang matagal nang adbokasiya para sa universal healthcare access. Ang mga center na matatagpuan sa mga pampublikong ospital sa buong bansa, ay nagpapadali sa proseso para sa mga mahihirap na pasyente na makatanggap ng tulong-medikal at pinansyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang PhilHealth, DOH, at DSWD.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Sa ngayon, 166 Malasakit Centers ang operational sa buong bansa, na nakahanda upang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente. Iniulat ng DOH na nakapagbigay na ng tulong ang Malasakit Center program sa mahigit kumulang 11 milyong Pilipino.
Nanawagan siya sa mga local government unit at pribadong ospital na makipagtulungan sa pambansang pamahalaan upang matiyak na mananatiling walang tigil ang mga serbisyo sa kabila ng mga hamon na dala ng mga natural na kalamidad.
Ang mga nakaraang bagyo ay nag-iwan ng ilang lugar na lumubog sa tubig-baha, nagwalis sa mga pamilya at nagbigay ng stress sa mga lokal na pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan.