Advertisers
INIHAIN nitong Huwebes, Mayo 28, ng Office of the Ombudsman ang mga kasong plunder at graft laban kay Senador Jinggoy Estrada at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan.
Bunsod ito ng rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) Special Prosecution Service noong Mayo 18 na kasuhan si Estrada ng plunder, graft, at bribery, kasama ang iba pang opisyal ng DPWH. Ang mga kaso ay kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.
Una nang idinawit ni dating DPWH Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez si Estrada sa tinaguriang flood control scandal.
Inakusahan niya ang senador na nakatanggap umano ng 30% kickback mula sa P355-milyon halaga ng flood control projects.
Ito na ang ikatlong plunder case ni Estrada. Una siyang kinasuhan kaugnay ng jueteng scandal noong 2001, at muli noong 2014 dahil sa PDAF scam kung saan siya ay napawalang-sala.
Ang bagong kaso ay inaasahang magbubukas muli ng masusing imbestigasyon sa paggamit ng pondo ng pamahalaan para sa mga proyektong imprastruktura.
Ayon sa Ombudsman, inatasan na ang mga akusado na magsumite ng kanilang counter-affidavit sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap ng order.
Nananatiling nakatutok ang publiko sa magiging resulta ng imbestigasyon, lalo na’t si Estrada ay kasalukuyang senador at si Bonoan ay dating miyembro ng gabinete na may malaking papel sa mga proyekto ng DPWH.