Advertisers
Masyado ng sikat at popular si Pastor Apollo Quiboloy at dating Bamban Mayor Alice Guo hindi lang sa Pinas kundi pati sa ibang bahagi ng mundo partikular na sa Amerika at China.
Ang pagkakaaresto sa dalawang personalidad na ito ay pinagpistahan ng mga media at kung sino-sino pa, pinag-awayan din sila ng ilan mga politiko kabilang na ang ilan mga Senador at Kongresista, higit sa lahat ay gumawa rin ang mga ito ng kasaysayan.
Anyway tapos na ang boksing dahil tagumpay ang ating gobyerno partikular na ang Philippine National Police (PNP) sa pagkakaaresto sa dalawang ito na pareho ng naka-piit at naghihintay na lang ng susunod na kabanata ng kanilang buhay.
Huwag na sanang masyado silang pagkaabalahan dahil sa ayaw man nila o’ gusto ay obligado silang dumaan sa proseso na kung saan ang hurikadura na ang magpapasya segun sa magiging resulta sa kanilang paglilitis sa korte.
Wala na rin naman tayong magagawa at maitutulong anuman ang ating sabihin at itsismis sa mga kalokohang ginawa ng mga ito. Hindi na rin ito mababawasan at mada-dagdagan.
Panahon na siguro para naman pag-ukulan ng panahon ng ating gobyerno ang iba pang mga personalidad na kuma-kaharap rin ng kung ano-anong allegasyon at sa ngayo’y nagta-tago rin tulad ng mga una.
Ang ating tinutukoy dito ay walang iba kundi si dating Bucor Chief Gen. Gerald Bantag at dating Cong. Arnie Teves ng Negros.
Si Bantag at si Teves ay mas unang nagtago kina Quiboloy at Alice Guo.Wala man lang paramdam o’ anumang pahiwatig ang gobyerno hinggil sa estado ng kalagayan ni Bantag.
Si Teves naman ay alam nating lahat na nasa bansang Timor Leste na kung saan ito nag self exile. Ang tanong ay kung hanggang kailan ito mananatili sa nasabing bansa at kung kailan ito babalik ng Pinas para kaharapin ang mga kasong sinampa sa kanya dito.
Kung tutuusin ay mas mabigat ang mga kasong kinaka-sangkutan ng dalawang ito kaysa kina Quiboloy at Alice Guo.
Ang dalawang ito ay tinuturing na mga mamamatay-tao base sa imbestigasyon ng mga awthoridad kasama na ang Senado at House.
Si Teves ay inuugnay sa pagpatay kay Negros Governor Degamo at siyam pang iba noon nakalipas na taon. Maliban dito, sinasabing siya rin ang nasa likod ng mga illegal gambling at droga sa Negros.
Si Bantag naman ay ang prime suspect at mastermind sa pagpatay kay broadcaster Percy Lapid at iba pang high profile inmate sa New Bilibid Prison (NBP) noong panahon ng kanyang termino bilang Bucor Chief.
Ang dalawang ito anila ay mga lehitimong mga killer, kumpleto rin ang mga armas at meron ding sariling mga private army na sigurado daw na papatay at mamamatay para sa kanila.
Nagbitiw na rin ng salita si Bantag na hindi siya susuko at mamamatay muna bago siya maaresto ng sinuman, over my dead body daw.
Si Teves naman ay walang pinapahiwatig at nananatiling tahimik nguni’t pinapalagay na preparado at lalaban din kung masusubo.
Magiging challenging at thrilling sa gobyerno ang gagawing pagdakip sa mga ito dahil inaasahan ng marami na manlalaban ang mga ito hanggang sa huling sandali.
Madugo ang mga background ng dalawang ito na kung saan puro patayan ang nagiging puno’t dulo ng kanilang kinasasangkutan.
Mas ibang klase ang personalidad ng mga ito kung ikukumpara lang kina Quiboloy at Guo na bagama’t isang katerba ang kaso ay hindi naman nasangkot sa patayan.
Maganda at kakaiba ang pinakitang kagitingan ng ating gobyerno lalo na ang PNP sa pagkaka-aresto kay Quiboloy na alam nating makapangyarihan ding tao at marami ring mga tapat na taga-sunod.
Sa puntong ito ay maraming kababayan natin ang nagsusumamo sa liderato ng PNP na isunod na agad sa line-up si Gen. Bantag at Cong. Teves.