Advertisers
BINALASA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga miyembro ng National Security Council (NSC).
Isa sa pinakamalaking pagbabago na ginawa ni PBBM sa NSC ay ang pagtanggal nito sa bise-presidente o kay Vice President Sara Duterte at mga dating pangulo bilang kasapi ng konseho.
Batay sa Executive Order (EO) No. 81 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang NSC ay pamumunuan ng presidente bilang chairperson habang magiging miyembro rin ang senate president, house speaker at iba pang opisyal ng gobyerno.
Maaari ring magtalaga ang Pangulo ng iba pang opisyal ng gobyerno bilang kasapi ng NSC at maging private citizens.
Kasama sa Executive Committee ng NSC ang Presidente bilang chairperson, habang miyembro rin ang executive secretary, senate president o kinatawan nito, house speaker o kinatawan nito at iba pang gov’t officials.
Kasabay nito, inatasan ng Pangulo ang Director-General ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at mga hepe ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na dumalo sa mga pagpupulong ng council at umasiste sa mga deliberasyon.
Maaari ring imbitahan ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para makilahok dito. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)