Advertisers
NASAWI ang isang anak ng barangay tanod nang mabaril ng kapitan ng kanilang barangay sa pag-aakalang kabilang ang biktima sa mga umaaligid sa kanyang bahay Lunes ng gabi sa Barangay Gibanga, Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Albert Malarasta, residente rin sa nasabing barangay.
Idineklarang wala nang buhay ang biktima sa Ace Medical Center, Sariaya dahil sa tinamong dalawang tama ng bala sa dibdib.
Ayon sa imbestigasyon ng Sariaya police, kasama ng biktima ang kanyang ama na si Elpidio at Anderson Mabuhay, hepe ng mga tanod, nang rumesponde sila sa tawag ng kanilang kapitan na si alyas “Crisanto” 11:55 ng gabi.
Inutusan umano ng kapitan ang mga ito na tingnan ang paligid ng kanilang garahe na inaaligid ng kanilang mga tao.
Gayunpaman, napahiwalay ang biktima sa kanyang mga kasama nang pumasok siya sa bakuran ng kapitan.
Dahil dito, napagkamalan ng kapitan na umaaligid ito sa kanyang garahe kaya agad niya itong pinutukan ng dalawang beses.
Naaresto ang salarin at nakuha mula sa kanya ang isang Glock 19 caliber .9mm na ginamit sa insidente.
Mahaharap sa kasong murder ang kapitan na kasaluku-yang nasa kustodiya ng Sariaya Municipal Police Station.