Advertisers
NAUWI sa saksakan ang mainitang pagtatalo ng mag- live-in partner na parehong nasawi sa madugong insidente sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Tabugon, Kabankalan City, Negros Occidental, Martes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Marilie Satinyamian at Fernando Pacunla, kapwa 26-anyos.
Sa report ni Lt Col. Roberto Indiape Jr., hepe ng Kabankalan City Police Station, nangyari ang insidente 5:30 ng hapon.
Bago ito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-live in partner dahil nais ng babae na magtrabaho bilang kasambahay sa Bacolod City pero tutol ang kaniyang partner.
Sa gitna ng mainitang pagtatalo, kumuha ng patalim si Pacunla at inundayan ng saksak ang kaniyang kinakasama. Sa kabila na sugatan ang babae, hinagip din nito ang isang kutsilyo at pinagsasaksak ang mister.
Kapwa nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang magdyowa, na bagaman’t nagawa pang maisugod sa pagamutan ay hindi rin naisalba ang kanilang buhay.
Narekober sa crime scene ng mga nagrespondeng pulis ang dalawang patalim, isa rito kutsilyo at ang isa ay panggapas ng tubo.