Advertisers

Advertisers

2 sundalong lalaki ‘ginahasa’ ng lalaking 2-star General

0 346

Advertisers

ISANG two-star General na lalaki sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inireklamo ng ‘rape through sexual assault’ at ‘attempted rape through sexual assault’ ng dalawang sundalo na lalaki rin.

Ang paratang, itinanggi ng opisyal.

Sa ulat, nakasaad sa reklamo ng dalawang sundalo na nangyari ang pananamantala sa kuwarto ng heneral nang dumalo sila sa isang pagtitipon na may inuman.



Sa CCTV footage, makikita ang grupo ng mga sundalo, kasama ang heneral nang dumating sa San Fernando Air Base sa Lipa, Batangas, gabi ng Enero 29.

Sa isa pang video clip, makikita ang dalawang sundalo na lumabas mula sa tinutuluyan ng heneral at umiiyak.



Inalalayan sila ng isang opisyal sa labas at isinumbong ang ginawa umano sa kanila ng heneral.

Sa kanilang sinumpaang salaysay, sinabi ng dalawang sundalo na tinanong sila ng heneral kung nais nilang matulog sa kuwarto nito. Sa pag-aakalang nagbibiro ang heneral, nag- ‘yes’ umano sila.



Hanggang sa natuloy ang pagtulog nila sa kuwarto na magkakasamang humiga sa isang kama, at nasa gitna ang heneral. Doon na rin nangyari ang pagsasamantala sa kanila.

Ang isa sa mga sundalo, palihim na nag-rekord umano ng video kahit madilim, na bahagi ngayon ng sitwasyong imbestigasyon.

Itinanggi ng heneral ang paratang at sinabing imposible ang ibinibintang laban sa kanila dahil madali siyang mapagtutulungan ng mga ito.

“Yung pang-aabuso, ‘yung panghahalay, puwede siyang mangyari kahit kanino. Puwedeng mangyari sa babae, puwedeng mangyari sa lalaki, puwedeng mangyari kahit sa mga matipunong mga sundalo,” pahayag ni Atty. Nico Robert Martin.

Inalis na sa kanyang puwesto ang heneral at isinailalim sa restrictive custody ng Philippine Air Force habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa imbestigasyon ng Office of Ethical Standards and Public Accountability ng AFP, may nakitang basehan para isalang sa pre-trial investigation at heneral.

Nasa tanggapan na ni AFP Chief-of-Staff General Romeo Brawner, Jr. ang resulta ng paunang imbestigasyon.

“For review na po siya at signature po ng ating chief-of-staff. Siya rin po ang ating convening authority. And the case is currently waiting his approval for the referral doon sa ating general court-martial,” ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla.

“Yun pong ating mga akusado ay haharap sa paglilitis sa ilalim ng Articles of War 96, ito pong paggawi ng hindi nararapat sa isang opisyal at isang maginoo. At [Artikulo ng Digmaan] 97, nagsasagawa ng masasama sa mabuting kaayusan at disiplinang militar,” dagdag ng opisyal.

May hiwalay na reklamong ‘attempted rape through sexual assault’ at ‘rape through sexual assault’ ang dalawang sundalo na inihain nila sa piskalya ng Lipa, Batangas.