Advertisers
IGINIIT ng Kataas-taasang Hukuman na hindi dahilan ang pagkakaroon ng relasyon para pilitin ang isang babae na makipagtalik.
Sa desisyong isinulat ni retired Justice Mario Lopez, hinatulang ‘guilty’ sa Rape si Jhopet Hernandez Toralde matapos pilitin ang 14-anyos dalagita na makipagtalik gamit ang pananakot.
Sa rekord ng korte, pinuntahan ni Toralde ang biktima sa kanilang bahay habang wala ang kanyang pamilya.
Tinakot niya ang dalagita na ipapakita ang kanilang video na naghahalikan kapag hindi ito pumayag sa gusto niya.
Sa panahon ng paglilitis, iginiit ng depensa na hindi pinilit ni Toralde ang dalagita na makipagtalik dahil sila umano ay nasa isang romantikong relasyon — isang depensang kilala bilang “sweetheart theory”.
Si Toralde ay una nang nahatulan ng sexual abuse ng RTC at kinatigan ng Court of Appeals, pero itinaas ng SC ang kaso sa rape sa ilalim ng Revised Penal Code.
Sinentensyahan si Toralde ng ‘reclusion perpetua’ (hanggang 40 taon pagkakakulong) at pinagbabayad ng P225,000 sa biktima. ( Jocelyn Domenden)