Advertisers

Advertisers

Greta vs Bato

0 5,453

Advertisers

INUPAKAN ni Gretchen Barretto, bespren ng “founder” ng namayagpag noon na online sabong na si Atong Ang, si dating PNP Chief ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa, sa isang video na kumakalat ngayon sa social media.

Sa video, sinabihan ni Gretchen, kilala rin sa tawag na “Greta” si Bato na: “Stop grandstanding, just get down to the investigation.”

Patungkol ito sa mga nawawalang sabungero noong 2021, kasagsagan ng online sabong ni Atong Ang, kungsaan ang hepe ng pambansang pulisya noon ay si Bato.

Nagsalita kasi itong si Bato na alam niya kung sino ang nasa likod ng pagkawala ng 34 sabungeros na dinukot sa Manila Arena sa Sta. Ana, sabungan ni Atong; at sa Laguna. Pero wala aniya siyang solidong mga ebidensiya.

Ang pahayag na ito ni Bato ay reaksiyon niya sa mga rebelasyon ng isang dating security guard sa Manila Arena na suspek sa pagdukot sa mga sabungero.

Ang naturang suspek ay nagpakilalang “Totoy” na nagsabing magbibigay siya ng kanyang mga sinumpaang salaysay sa Department of Justice at sa Philippine National Police.

Sinasabing ang isa sa mga nasa likod ng pagdukot at pagpatay sa mga sabungero ay isang sikat na artista na kabilang sa “alpha” group.

Sa tingin ng marami, si Greta ang nasabing artista na nakikita noon na nagbibitaw ng manok sa ruweda kasama si Atong.

Si Atong ay kilala sa mga tawag na “Boss AA, “Double A” at “Alpha”.

Sa post ni Greta, sinabihan niya si Sen. Bato na: “Ang mahal ng relo ni Bato, saan kaya nanggaling ‘yan?”

“My God, a senator has that watch!”, bira pa ni Greta.

Milyones nga kasi ang halaga ng suot na relo ngayon ni Bato.Actually suot n’ya na ito bago pa siya mag-senador.

“Tumatalpak din kasi ‘tong Bato na ‘to eh. Bato ilabas natin ‘yung mga takpak mo kaya,” pagbubunyag pa ni Greta.

Sinabi pa niyang maraming utang si Bato sa talpak. Araguy!!!

Ang ibig sabihin ng talpak ay tumataya sa Gcash sa online sabong.

Sa rebelasyon ni Totoy, sinabi niyang 20 pulis at 10 sibilyan ang sangkot sa pagdukot at pagpatay sa naturang sabungeros na gumagawa ng mga pandaraya, na kung tawagin sa sabong ay “tiyope” o nag-e-entry ng mga manok na “pulpol” at sa kalaban pumupusta.

Kabilang raw sa mga dinukot at pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ng tie wire ang dalawang menor de edad na taga-pakain ng mga manok na sumama lang sa sabungan noong gabing mangyari ang pagdukot.

Sinabi ni Totoy na hindi lang 34 sabungeros ang dinukot at pinatay kundi 100, mayroon pa raw drug lord. Itinapon ang mga ito sa isang palaisdaan sa Taal Lake sa Batangas. Linagyan daw ng sandbag ang katawan para hindi lumutang.

Kasama rin daw sa kakasuhan ang may-ari ng naturang palaisdaan.

Sa isang artikulong nabasa ko online, todo tanggi si Atong Ang sa mga rebelasyon ni Totoy. Tinawag niya itong fake news, na ‘di dapat paniwalaan ng publiko.

Pero ayon kay Justice Secretary Boying Remulla, ang mga binanggit ni Totoy ay tugma sa mga nakalap nilang ebidensiya. Kaya naiisip nilang gawin itong state witness.

Nangako rin ang PNP at NBI na nakahanda silang bigyan ng proteksyon si Totoy oras na humarap na ito sa publiko.

Kaabang-abang ito.

Subaybayan!