Advertisers
Patay ang isang pulis nang barilin ng nakapagbarilang holdaper na napatay din, habang dalawang sibilyan ang sugatan sa naganap na shootout sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Lunes, Hunyo 30, 2025.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) ang napatay na hindi pa nakikilalang salarin ay inilarawan nasa edad 25-35 anyos; may taas na 5’4″; at nakasuot ng itim na t-shirt, jogging pants at tsinelas.
Samantala, ang napatay na pulis ay nakatalaga sa QCPD Kampo Karingal habang ang sugatan ay sina alyas “Sonny”, ang holdup victim at ang bystander na si alyas “Ira”.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang 2:30 ng madaling araw ng Hunyo 30, 2025, sa kanto ng Katuparan St. at Katipunanan St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nagbabantay bilang bahagi ng ipinatutupad na police visibility, ang biktimang pulis at ang kanyang kabaro malapit sa gate of Benigno Aquino Elementary School sa Katuparan St., Brgy. Commonwealth, QC, nang nakarinig sila ng putok ng baril mula sa kanto ng katuparan St. at Katipunan St., Barangay Commonwealth, hindi kalayuan sa kanilang kinaroroonan.
Nirespondehan agad ng dalawa ang situwasyon at sa loob ng 30-segudo dumating ang dalawang pulis sa lugar. Bahagiyang naunang dumating sa lugar ang biktimang pulis kung saan kanyang nakasalubong ang isang lalaki at sinabi sa pulis na “doon tumakbo” (ang suspek).
Lingid sa kaalaman ng pulis na ang kanyang nakasalubong ay ang holdaper. Pagtalikod ng pulis, binaril na siya ng suspek.
Bagamat sugatan, nagawa naman gumanti ng pulis at pinaputakan ang suspek. Nang makita naman ng sumusunod na pulis ang palitan ng putok. Pinaputukan din niya ang holdaper na namatay noon din sa pinangyarihan.
Agad na isinugod ang biktimang pulis sa Maclang Hospital pero namatay din habang ginagamot dahil sa tama ng bala sa katawan.
Ayon sa isang saksi, bago ang pagresponde ng dalawang pulis at ang barilan ay hinoldap ng suspek si alyas “Sonny” at binaril sa kaliwang balikat habang ang babaeng sugatan ay tinamaan naman ng ligaw na bala. Ang dalawa ay kapwa isinugod sa Maclang Hospital at nilapatan ng lunas. (Almar Danguilan)