Advertisers
ISA sa mga pangunahing layunin ng administrasyong Marcos ay ang tiyakin na may sapat at abot-kayang bigas para sa bawat Pilipino.
Ito ang dahilan kaya inilunsad ang programang “Benteng Bigas Meron Na.”
Ngunit sa kabila ng mabuting layunin ng programang ito, may mga balitang lumulutang tungkol sa ilang mapagsamantalang rice traders na ginagamit ang programa upang bilhin ang palay mula sa ating mga magsasaka sa hindi makatarungang halaga. Isa itong anyo ng pananamantala na hindi dapat palampasin.
Kaya sa press briefing sa Malakanyang, nanawagan si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa mga magsasaka na huwag matakot magsumbong laban sa mga ganitong gawain.
Aniya, maaaring maghain ng reklamo sa Department of Agriculture (DA), Department of the Interior and Local Government (DILG), o Department of Justice (DOJ).
Tiniyak din ng Palace official na kung makapagsusumite ang mga magsasaka ng sapat na ebidensiya, agad silang kikilos upang kasuhan ang mga abusadong negosyante. Ang ganitong uri ng pananamantala ay posibleng ituring na economic sabotage na isang mabigat na krimen na dapat lang na papanagutin sa ilalim ng batas.
Sa gitna ng paglawak ng “Benteng Bigas Meron Na” program sa iba’t ibang panig ng bansa, kinakailangang tiyakin na ang mga magsasaka. Sila ang tunay na haligi ng ating agrikultura na hindi dapat isinasakripisyo.
Nakababahala ang pahayag ng ilang magsasaka na ginagamit daw ng ilang traders ang programa bilang dahilan upang ibaba ang presyo ng palay.
Ayon sa DA, wala itong basehan. Sa katunayan, mas pinapalawak pa nga ng National Food Authority (NFA) ang pagbili ng palay upang hindi maapektuhan ang presyo sa merkado.
Mahalagang paalalahanan ang publiko na ang “Benteng Bigas Meron Na” ay hindi lamang simpleng distribusyon ng murang bigas. Ito ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng pamahalaang Marcos upang tugunan ang problema ng presyo at suplay ng bigas, habang pinapalakas din ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Kung may mga elemento kasi sa merkado na humaharang at sinasamantala ang programang ito, nawawala ang esensya at layunin ng repormang nais itaguyod ng administrasyon.
Kinakailangan din ang buong suporta ng mga lokal na pamahalaan, sektor ng agrikultura, at ang mismong mga mamamayan.
Dapat magkaisa ang lahat upang protektahan ang karapatan at hanapbuhay ng ating mga magsasaka. Hindi sapat ang pagbibigay ng subsidiya o ayuda lamang dahil ang higit na mahalaga ay ang pagbibigay sa kanila ng tamang kita para sa kanilang pinaghirapang ani.
Ang hamon ngayon ay mas paigtingin ang monitoring at enforcement mechanisms ng gobyerno upang mabilis na matukoy at maparusahan ang mga mapagsamantalang traders.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.