Advertisers
NAGBABALA ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) laban sa panukalang Anti-Red-Tagging Bill, na sa halip na maging panangga ng demokrasya ay nagiging mapanganib na balita.
Bagama’t ipinapakita ito bilang proteksyon laban sa mapanirang pag-uugnay, ang panukala ay naglalayong gawing krimen ang lehitimong pagbubunyag ukol sa pambansang seguridad, patahimikin ang mga dating rebelde at biktima ng insureksyon, at bigyang-lakas ang mga lihim na galamay ng CPP-NPA-NDF na namumuhay sa panlilinlang at panlulusot.
“Linawin natin—hindi inosente ang pinoprotektahan ng panukalang ito. Ang pinoprotektahan nito ay yaong mga sumasakay sa ating kalayaan upang ito’y sirain,” pahayag ni NTF-ELCAC Executive Director Ernesto C. Torres Jr. “Nilalagay nito sa panganib ang mga nagsasabi ng totoo, habang pinangangalagaan ang mga tagapagtaguyod ng insureksyon na nagpapanggap na biktima.”
Ang panukalang batas ay maaaring gawing krimen ang mga lehitimong pahayag—batay sa mga ulat pang-intelihensiya, sinumpaang salaysay ng mga dating rebelde, at aktwal na karanasan ng mga pamayanang minsang sinakop ng terorismong komunista. Sa pamamagitan ng pananahimik ng mga naglalantad sa mga front organization at koneksyon nila sa CPP-NPA-NDF, binibigyan ng lakas ang panlilinlang at pinapahintulutan ang kawalan ng pananagutan.
“Walang demokrasya sa pagtatanggol ng mga grupong nagra-radikalisa ng kabataan, nangingikil sa mga magsasaka, at sumasabotahi sa ating mga institusyon,” sabi nga ni Torres. “Kapag ito ay naisabatas, lalagyan nito ng busal ang ating mga pwersa ng seguridad, pipigilan ang boses ng ating mga komunidad, at bibigyang-laya ang mga arkitekto ng panlilinlang.”
Kailangan din natin siguro, kilatisin ang mga naghain ng panukalang batas na ito. Marahil para sa akin, kapanalig sila ng mga nagnanais agawin ang kapangyarihan ng ating pamahalaan.
Buhay nga naman.