Advertisers
SA gitna ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa bagyong Crising at Habagat, isang kahina-hinalang ulat ang bigla nalang lumabas. Target nito si Senate President Francis “Chiz” Escudero, na diumano’y nagpasok ng P142.7 bilyon sa 2025 national budget para sa mga flood control at infrastructure project na sinasabing may mga red flag.
Ayon sa ulat ng iisang media company gamit ang mga outlet nito, ginamit daw ni Escudero ang kanyang posisyon upang maglaan ng pondo sa mga proyektong may overlapping roadworks at kuwestiyonableng flood mitigation efforts. Ngunit hanggang ngayon, walang inilabas na opisyal na dokumento, audit findings, o sinumpaang salaysay na magpapatunay sa mga paratang. Kahina-hinala rin ang biglaang pagbura ng isang artikulo sa Politiko, na lalong nagpapalakas ng hinalang isa lang itong political smear campaign.
Kapalit ng pagtulong sa gitna ng kalamidad, paninira ang naging sagot ng ilang grupo. Habang abala ang mga lokal na pamahalaan sa pagresponde sa mga binabahang komunidad, may mga nagpapakalat ng maling kwento upang sirain ang integridad ng liderato sa Senado. Ito’y isang malinaw na pagsasamantala sa trahedya para sa pansariling interes.
Sa totoo lang, hindi si Escudero ang may kontrol sa flood control budget. Sa mga nakaraang taon, sa ilalim ng liderato ni House Speaker Martin Romualdez, inilaan ang daan-daang bilyong piso para sa mahigit 5,000 flood control projects. Si Congressman Zaldy Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations, ang siyang namahala sa prosesong ito. Kaya kung may tanong kung bakit patuloy ang pagbaha, ito’y dapat ibalik sa Kamara.
Sa katunayan, dahil kay Romualdez at Co ay napahiya ang Pangulong “Bongbong” Marcos. Ilang ulit siyang nagsabing may pondo at programa kontra pagbaha, ngunit makalipas ang ilang taon ng kanyang panunungkulan, nananatili paring nakaharap sa mga panganib ng kalamidad ang mga Pilipino. Masaklap pa, ang mga nasa likod ng paglustay ng pondo ay sila pang naninira ngayon sa Senado.
Ayon sa mga political observer, ang pag-atake kay Escudero ay bahagi ng planong kuwestyunin ang kanyang liderato sa Senado at agawin ito ng kampo nina Romualdez at Senator Tito Sotto. Ngunit ayon sa mga ulat, 18 senador na ang hayagang sumusuporta kay Escudero. Wala nang numerong maaasahan ang Romualdez-Sotto camp. Wala nang chance si Sotto. Araguy!!!
May hinala rin na ito ay kaugnay sa posibleng planong pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte. Kung makontrol nila ang Senado, mas madali ang pag-usad ng impeachment at pag-alis sa puwesto sa Bise Presidente. Pansinin n’yo ang mga pahayag ni Sotto pabor sa impeachment at laban kay VP Sara.
Habang nalulubog sa baha ang ating mga kababayan, ang ilan ay abala sa pulitika at pagpapakalat ng disinformation. Ang kailangan ng bansa ay hindi kasinungalingan, kundi tapat at makataong pamumuno na inuuna ang kapakanan ng mga mamamayan.