‘PAPER TIGER’ NA 5-MINUTE RESPONSE, NO TAKE POLICY IBASURA!
Advertisers
DAHIL sa tila pagbalewala ni PNP Region 4-A Director, Brigadier General Jack Wanky, ng mga provincial director at mga chief of police sa buong CALABARZON lalo sa lalawigan ng Batangas ay nagkakaisang nanawagan ang civic group na Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na ipabasura na kay PNP Chief, Gen. Nicolas Torre III, ang inilunsad kamakailan na ‘5-minute response project’.
Kasama rin sa ipinasasantabi ang matagal nang pinaiiral na “No Take Policy” sa PNP pagkat, anila, ay hindi naman nasusunod ang naturang polisiya at bagkus ay ginagamit lamang ito na panakip-butas ng ilang tamad, kunsintidor at protektor na miyembro at opisyales ng pulisya upang makaiwas sa kanilang mga pananagutan.
“Hanggang sa pag-iisyu lang ng mga office directive ang ilang PDs upang mahigpit na ipatupad ang 5-minute response at pagtalima sa ‘No Take Policy’ ngunit hindi naman nila ito pinupursiging ipatupad sa kanilang mga subordinate,” ang hinagpis ng MKKB.
Ayon pa sa naturang anti-crime and civic group, mag-iisang taon nang kumikilos ang mga “kapustahan” katuwang ang grupo ng gambling militia hindi lamang sa Batangas kundi maging sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal at Quezon, ngunit hindi ito nalalansag nina BGen. Wanky, Batangas PNP Provincial director Col. Emerick Sibalo, at Batangas CIDG Provincial officer Lt. Col. Michael Visco.
Binubuo ito ng mga armadong retiradong pulis, militar at mga goon na ni-recruit mula sa anim na congressional district ng may limang siyudad at 29 munisipalidad sa lalawigan ni Batangas Governor Vilma Santos- Recto. Pakay kunwari ng gambling militia na linisin ang probinsya laban sa operasyon ng illegal numbered games na 1-40 Small Town Lottery (STL) bookies con jueteng.
Ngunit matapos na makontrol ang operasyon ng lokal na mga gambling maintainer sa buong lalawigan ay pinaarangkada nina alyas Marasigan at alyas Gardiola ang kanilang sindikatong STL con jueteng operasyon. Ang dalawa rin ang tumayong “national” o pangkalahatang tagapamahala ng STL bookies, at sila rin ang namahala sa paghahatag ng weekly na suhol sa ilang korap na pulis, NBI at iba pang law enforcement officials.
Hindi lamang ang STL bookies ang kinontrol ng dalawa, sa tulong ng kinatatakutang grupo ng gambling militia, pakikipagsabwatan ng isang police colonel at ng makapangyarihang pulitiko sa Batangas na si alyas “Puti” ay pinanghimasukan narin ng mga ito maging ang operasyon ng mga saklaan at pergalan (peryahan na pulos sugalan) at halos na lahat na uri ng iligal.
Ayon din sa MKKB, kapuna-punang kahit na tumawag pa sa Dial 911 na PNP Hotline upang isumbong ang mga kailegalang nagaganap sa kanilang lokalidad, ay dedma lang, hindi naman rumeresponde ang mga pulis at iba pang awtoridad. Hinala tuloy ng mga civic group ay may “timbre” sa ilang opisyales at kagawad ng pulisya ang mga ilegalista sa mga naturang siyudad at bayan. “Hindi dapat hanggang press release lamang, kailangang may matalas na pangil ang 5-minutes response at No Take Policy,” diin ng MKKB.
Pinuna ng mga ito ang talamak na operasyon ng STL bookies/jueteng sa lahat na siyudad at bayan lalot higit sa Lipa City, Tanauan City, Sto. Tomas City, Calaca, Batangas City at mga bayan ng Lemery, San Juan, San Luis, Calatagan, Bauan, Nasugbu, San Pascual, Mabini, Padre Garcia, Malvar, Laurel, Balete, Mataas na Kahoy, Talisay, San Nicolas, Agoncillo, Lobo, Cuenca, Ibaan at marami pang iba.
Bukod sa ilang lokal na opisyales at mga police official, “pinatungan” din nina alyas Marasigan at alyas Gardiola maging ang mga saklaan, pergalan na pawang front ng bentahan ng shabu. Ang mga ito ay matatagpuan sa Poblacion Lemery na ino-operate ng “drug pusher” na isang alyas Arnel; Brgy. San Roque at Brgy Sta. Clara na kapwa ino-operate ng isang alyas Jovel; Brgy. Sta. Maria, Brgy. Roque at San Augusto na pinapatakbo nina alyas Larry Bokbok, Tina at Francia sa bayan ng Bauan; Sito Bagsakan sa bayan ng Lemery; at Brgy. Pinagkawitan, Lipa City ng isang alyas Bella.
Sa bayan ng Nasugbu ay lalong pinalakas ang kubransa sa pabookies/jueteng ng isang Willy Bokbok na sinasabayan pa ng mga pasakla ng isang Jemwel sa Brgy. Catandaan na sakop ni Chairman Mario Bencang; Brgy. Reparo na ino-operate ni Jolas sa nasasakupan ni Chairwoman Mellet Caraig; Brgy. Bilaran at Brgy. Lumbangan na pinatatakbo ng isang alyas Kon Unan. Liban sa ilang pulis ay itinuturong protektor dito sina Bokbok at isang alyas Sgt. Ilaw, sa Lipa City ng bookies ng Big 4 at sangkaterbang saklan den doon.
May saklaan den ang isang Ocampo sa Brgy. Bagbag, bukod pa sa pa-bookies din ni Ocampo, Ablao, Elnice, Arnold, Lilian, Rodel, Cristy, Lawin, Gerry, Trinidad at 30 iba pa; sakla ng isang alyas Tisoy at Nonit sa Brgy. Sambat at may bookies din ang mga ito sa 18 barangay ng naturang bayan. May mga sakla joint din at bookies operation sa mga bayan ng Balayan si alyas Leo at sa Sto. Tomas City si Wally Adik.
May puesto pijo o permanenteng pasugalan naman at may STL bookies pa sa bayan ni Lian Mayor Joseph Piji. Nasa tabi lamang ng Lian Public Market ang naturang pasugalan habang ang lokal na STL bookies/ jueteng ay hawak ng sindikatong “Triple J”.
Ibinulgar din ng MKKB ang mga kasapakat nina Marasigan at Gardiola na mga police tong collector na sina alyas Sgt. Sandoval ng Batangas Provincial Police Office; alyas Jun Milan ng Batangas CIDG Provincial Office; alyas Kevin ng CIDG RFU 4-A; Ady sa Laguna; Hero at Ka Minong sa Cavite PNP; alyas Sgt. Anot, Jammie, alyas Sgt. Panganiban sa Quezon at alyas Sgt. Marcial at Jack sa Rizal. Maging ang operasyon ng oil and petroleum pilferage (paihi/buriki) na napakatagal nang nag-ooperate sa compound ng Red Sun Beach Resort sa barangay ni Chairman Rufo Caraig ay “pinatungan” at ginawang “gatasan” na din ng mga “kapustahan” at gambling militia. (CRIS A. IBON)