Advertisers
Sa Lunes na ang pagbubukas ng sesyon ng 20th Congress at dito na pipiliin ng mga mambabatas ang Senate President sa Senado at House Speaker naman sa Kamara.
Sa Senado, nakakasigurado na na magbabalik si Senator Chiz Escudero bilang Senate President matapos sabihin mismo ng mga kapwa niya senador na 18 na silang pumipirma sa isang resolusyon ng pagsuporta sa kasalukuyang Senate leader. Habang sa House of Representatives naman, mukhang si Congressman Martin Romualdez na uli ang Speaker, base na rin sa mga press releases ng kanyang opisina na may suporta siya ng 291 congressmen.
Congrats sa kanilang dalawa.
Hindi na bago o ginagawa naman talaga na mangalap ng suporta sa kani-kanilang bakuran ang isang Senate President o isang House Speaker para makuha ang kani-kanilang puwesto. Pero hindi tama kung ginagapang mo na ang kabilang bahay para makapangalap ng suporta para sa iyong minamanok sa puwesto?
Ito ang ginagawa ngayon ni Speaker Romualdez. Ayon sa isang source, tinawagan daw ni Romualdez ang Tulfo brothers na sina Senators Raffy at Erwin para hikayating piliin nila si Senator Tito Sotto sa eleksiyon para sa Senate President. Ginagamit pa raw ni Romualdez ang pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos. Ito raw ang utos ng Pangulo.
Ang magkapatid ay nagsapubliko na ng kanilang suporta para kay Senate President Escudero. At kahit ang sumusuporta kay Escudero na si Senator JV Ejercito ay ginagapang din daw ni Romualdez para kay Sotto.
Sa gitna ng pagkabasura ng Korte Suprema sa depektibong impeachment complaint ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte, mukhang hindi pa rin talaga tumitigil si Romualdez sa kanyang nais na tuluyang mapatalsik sa puwesto ang Bise Presidente at si Sotto ang balak niyang gawing pambala sa kanyon.