Advertisers
ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. si Justice Mariflor Punzalan-Castillo bilang acting Ombudsman, inihayag ng Malacañang nitong Lunes.
Ang bagong pagtatalaga kay Castillo ay kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa pamamagitan ng isang text message. Pansamantala niyang gagampanan ang post na binakante ni Samuel Martires na nagretiro nitong Hulyo 27.
Sinabi ni Bersamin na sisimulan ng Judicial and Bar Council ang pagsasala sa mga kandidato sa Ombudsman post pagkatapos ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Marcos nitong Lunes ng hapon.
Bago italaga bilang officer-in-charge ng Office of the Ombudsman, nagtrabaho si Castillo bilang ikawalong special prosecutor ng anti-graft body, na ang termino ay dapat magtatapos sa 2031.
Sinimulan ni Castillo ang kanyang legal na karera bilang isang imbestigador sa Opisina ng Tanodbayan noong 1979, isang posisyon na kanyang pinagsilbihan hanggang 1985 nang siya ay hinirang bilang tagausig sa parehong opisina na naging pasimula ng Ombudsman. 1989, na-promote siya bilang Special Prosecution Officer III sa Office of the Special Prosecutor na nagsilbi sa loob ng apat na taon. Sumali siya sa hudikatura bilang presiding judge ng Metropolitan Trial Court ng Quezon City mula 1993 hanggang 1999, at kalaunan bilang presiding judge ng Regional Trial Court ng lungsod mula 1999 hanggang 2004. (Vanz Fernandez/Gilbert Perdez)