Advertisers
PINALAWAK ng pamahalaan ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance upang matulungan ang mas maraming mahihirap na Pilipinong apektado ng mataas na presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., aabot sa 7.5 milyong pamilya o katumbas ng 37.5 milyong Pilipino ang makikinabang sa pinalawak na programa.
Kabilang sa tatanggap ng hanggang P2,000 ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program, gayundin ang 2.5 milyong mahihirap at near-poor na pamilya na natukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System.
Samantala, 1.5 milyong low-income workers na beripikado ng Social Security System (SSS) at kanilang mga pamilya ay tatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.
Layon ng pinalawak na UPLIFT Assistance na matulungan ang mga pamilya sa kanilang araw-araw na gastusin at mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin.
Pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng ayuda, na isasagawa sa digital transaction para mas mabilis at maayos itong maihatid sa mga benepisyaryo. (Vanz Fernandez)