Advertisers
MULING binabaybay ang QuadCom ang ilang naantalang pagsisiyasat sa mga korapsyon sa gobyerno. Tiniyak ito ni Kin. Terry Ridon ng Bicol Saro Party List sa kayang pagharap sa Saturday New Forum sa Dapo Restaurant sa Kyusi.
Ibinalita ni Ridon sa mga nagtipong mamamahayag na nahalal siya para pangunahan ang House Committee on Public Accounts. Pinalitan niya si Kin. Stephen “Caraps” Paduano na natapos ang ikatlong termino noong ika-30 ng Hunyo ngayong taon.
Bagaman ipinangako ni Ridon na hindi siya magiging kasing bangis ni Paduano na tinawag na “Mr. Contempt” dahil siya palagi ang unang naghain ng mosyon na ideklarang “in contempt” ang sinumang saksi na nahuli niya sa pambobola sa QuadCom noong nakaraang Kongreso, siniguro ni Ridon na magbibigay siya ng patas na trato sa lahat ng saksi sa pagdinig ng QuadCom.
Binubuo ang QuadCom ng apat na komite – dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts. Nahalal na bagong chair ng Committee on Dangerous Drugs si Kin. Keith Flores ng Bukidnon at si Kin. Rolando Valeriano ng Maynila ang bagong hepe ng Committee on Public Order and Safety.
Pinalitan ni Flores si Kin. Robert Ace Barbers na natapos ang tatlong termino bilang kinatawan ng Surigao del Norte. Pumalit si Valeriano kay dating Kin. Dan Fernando ng Laguna na natalo pakikipagtunggali bilang gobernador kay Sol Aragones. Nanatili si Kin. Benny Abante bilang hepe ng Committee on Human Rights.
Ibinalita ni Ridon na kasalukuyang binubuo ang secretariat ng QuadCom. Maaaring magsimula ang pagdinig sa susunod na dalawa o tatlong linggo. Unang tatapusin ang mga hindi natapos na isyu noong nakaraang Kongreso. Pangunahin ang isyu ng mga POGO sa bansa at ang isyu ni Harry Roque, isang pugante sa batas na kasalukuyang nagtatago sa Olanda.
Ayon kay Ridon, nais malaman ng QuadCom ang iba pang detalye hinggil sa masamang epekto ng mga kumpanyang POGO na karaniwang pag-aari ng mga negosyanteng Intsik na may masamang record sa pangangalakal sa bansa. Nais malaman ng QuadCom kung sino-sino ang mga opisyales ng gobyerno na basta nagpapasok sa mga kompanyang POGO at ang lalim ng kanilang pagkakasangkot sa kanilang operasyon.
Layunin rin ng QuadCom na malaman kung paano nakatakas si Roque mula sa kuko ng batas at nakapunta sa Olanda. Gusto malaman kung sino-sino ang mga opisyales na nakipagsabwatan sa pagtakas ni Roque at panagutin sila sa ilalim ng batas.
Hindi binanggit ni Ridon kung tatalakayin rin ng QuadCom ang isyu ng online gambling kahit may mga kahilingan na talakayin iyon dahil sa lumalalang problema ng pagsusugal gamit ang teknolohiyang digital. Para kay Ridon, mas angkop ang komite sa games and amusement na tumatalakay sa isyu imbes na ang QuadCom.
***
MAYROON akong nakitang post ng isang batam-batang manananggol na itinuturing kong isang kritiko at tagapagtaguyod ng simulain ng mabuting pamamahala na si Dino Singson de Leon. Bahagya akong nagulat ngunit hindi namin mapasusubalian na may batayan ang pagkabahala at alinlangan niya sa takbo ng pulitika sa bansa. Pakibasa:
“”Just to be clear: I think the greatest threat to our democracy is the return of the Dutertes in 2028. Sara is violent, has no respect for the rule of law, is brazenly corrupt, apart from being incompetent. Hubris lang ang meron siya, and our institutions may not be strong enough to handle another one of her kind. We should stop that from happening at all costs.”
Maaaring pinalalaki ni Dino ang papel ni Misfit Sara dahil sa ganang amin, hindi na ganoon kalaki o nakaimpluwensiya si Misfit Sara. Sirang-sira na imahe at at nakasandal na lang ang lakas ng mga Duterte sa bilyong piso na nakurakot ng ama noong nasa poder pa sila at sa China na kanilang pinapanginoon. Kung wala ang kanilang bilyon at China, hindi namin malirip kung hanggang saan aabutin si Misfit Sara sa kanyang pagtugis sa panguluhan ng bansa.
Tama si Dino na nagbabala sa uri ng pagkatao ni Misfit Sara. Marahas si Misfit at hindi niya pipigilin ang sarili at sariling galamay upang gamitin ang dahas makuha lamang ang kanyang nais. Bukod siyan, hindi siya nalalayo sa ama na si Gongdi. May sayad rin pareho niya. Isa na namang baliw na pangulo? Hindi kami makakapayag.
***
HINDI kami natutuwa sa away ng pamilya Duterte. Magulo sila. Mas lalong pinagulo sa away ng abogado ni Gongdi na si Nicholas Kaufman at ang nakikialam at nagmamagaling ngunit hindi kagalingan na nagpapanggap na abogado ni Gongdi na si Harry Roque. Tama si Kaufman nang supalpalin niya si Roque na pilit nanghihimasok sa kanyang estratehiya.
Hindi kilala si Roque sa pagwawagi sa mga kasong hinawakan niya. Mas kilala siya ngayon na isang korap na manananggol na tumabo ng milyon-milyon piso noong presidente si Gongdi. Kumita si Roque dahil siya ang nagsilbing fixer ng mga POGO. Mas kilala si Roque bilang isang pugante na nagtago sa Olanda. Tama si Kaufman na pauwiin ni Roque at sabihan na mas maiging harapin niya ang mga sakdal laban sa kanya.
***
MGA PILING SALITA: “It seems that many are not really interested in historical facts but are only in the narrative that is consistent with what they want to believe and in what they identify themselves with. We really have to fix how we educate citizens and reexamine our information environment.” – Luie Guia, netizen,lawyer, former Comelec commissioner