Advertisers

Advertisers

TALO SI LEONEN SA IMPEACH MISFIT SARA ISYU

0 240

Advertisers

KUNG panalo si Tito Sotto sa kontrobersya ng impeachment trial ni Misfit Sara, malinaw na natalo sa mata ng publiko at kahit sa komunidad ng mga manananggol si Senior Associate Justice Mario Victor Leonen, ang sumulat (ponente) ng kontrobersyal na desisyon na nagdeklarang labag sa Saligang Batas ang paglilitis ni Misfit Sara.

Ang pinakamasakit ay hindi lang si Leonen ang sumemplang. Isinama niya ang buong Korte Suprema bilang institusyon sa pagkaduhagi ng natitirang dangal at reputasyon dahil sa palpak na desisyon. Hindi masasabing basta naisahan ang mga ibang mahistrado. Taos-puso nilang ibinigay ang pagkatig sa desisyon sa pamamagitan ng kanilang mga lagda.

Hindi namin alam kung paano iaahon ni Leonen ang sarili at ang buong institusyon ng Korte Suprema sa labis na kahihiyan. Nasira kasi ang imahe ng Korte Suprema bilang sandigan ng katarungan sa bansa. Ngunit may pag-asa pa.

Noong Biyernes, nagpahayag si BBM na hindi ganap na naresolba ng Korte Suprema ang isyu ng pananagutan ni Misfit Sara sa Articles of Impeachment. Kailangan repasuhin ng Korte Suprema ang kanilang desisyon upang iwasto ang kamalian, ito ang pahiwatig ni BBM. Hindi namin alam kung narinig at seseryosohin ni Leonen at ibang mahistrado ang kalatas ni BBM.

Ngayon, upang isalba ang reputasyon ng Korte Suprema kailangan magtrabaho ni Leonen at mga mahistrado ng walang impluwensiya ng Misfit Sara. Kailangan nilang baligtarin ang naunang desisyon. Kailangan nilang gawin iyan sa loob ng tatlong buwan at ituloy ang nabalam na impeachment trial sa Nobyembre o Disyembre.

Nasira ang reputasyon ng buong Korte Suprema dahil kay Leonen. Isinulat niya ang ponencia batay sa mga maling impormasyon na nakalap. Nagbunga ito ng maling konklusyon. Hindi kami nagtaka kung galing sa kampo ni Misfit Sara ang mga maling impormasyon.

Sa maikli, napainan si Leonen ng maling impormasyon. Kumagat siya sa hindi malamang dahilan. May hinala kami pero hindi namin sasabihin dahil sa hindi, iyan rin ang hinala ninyo. Nagsanga-sanga na diyan ang lahat. Lumabas ang mga mali-maling konklusyon.

Hindi napigil magsalita ng mga pantas sa batas, lalo na ang mga retiradong mahistrado tulad ni Adolf Azcuna, Conchita Carpio-Morales, Antonio Carpio, Artemio Panganiban, at Reynato Puno. Pinuna nila ang mga kamalian sa ponencia ni Leronen. Hindi namin alam kung kayang lunukin ni Leonen ang labis na kahihiyan.

Sa isang iglap, gumuho ang reputasyon ni Leonen bilang isang mahusay, magaling, at patas na manananggol, guro ng batas, at mahistrado ng kataas-taasang hukuman sa bansa. Isa na lang si Leonen sa mga patapon na mahilig magmagaling sa batas. Hindi namin alam kung kikilos siya upang ibangon ang sarili.

***

HINDI namin mapigil sariwain kung ano talaga ang nangyari sa desisyon na inilabas ng Korte Suprema noong ika-25 ng Hulyo. Ilang araw pagkatapos isumite ng Camara de Representantes sa Senado ang Articles of Impeachment na may lagda ng 240 kasaping mambabatas, nagpetisyon ang kampo ni Misfit Sara sa Korte Suprema ideklarang labag sa Saligang Batas ang Articles at pigilin ang paglilitis sa kanya ng Senado bilang hukuman.

Hindi kumilos ang Korte Suprema. Kumilos lang ito ng hingin noong ika-8 ng Hulyo ang sagot sa mga katanungan na kung tawagin ay interrogatory sa batas. Kailangan ang sagot sa loob ng sampung araw at walang palawig sa ibinigay na deadline. Sumang-ayon ang Camara at ibinigay ang sagot noong ika-21 ng Hulyo.

Walang pasok ang mga tanggapan ng gobyerno sa mga sumunod na araw, Martes, Miyerkoles, at Huwebes, ika-22, 23, at 24 ng Hulyo dahil sa matinding ulan dala ng bagyong Krising at Dante, habagat, baha, at pagguho sa maraming lugar sa buong bansa. Noong ika-25 ng Hulyo, Biyernes, nagpatawag ng en banc session ang Korte Suprema at inilabas nila ang desisyon na pirmado ng 13 mahistrado. Ponencia ito ni Leonen. Isang mahistrado ang hindi lumagda (abstained) at isa ang on leave, o nasa bakasyon.

Ayon sa ilang mga nakamatyag sa isyu, labis na nagmamadali ang Korte Suprema dahil lumabas ang desisyon ng walang memorandum, oral argument (palitan ng katwiran), at resolusyon sa estado nito. Tanging ang panig lang ni Misfit Sara ang dininig.

Walang paliwanag ang Mataas ng Hukuman kung bakit nagmadali sila sa desisyon at kung bakit ang panig lang ng Misfit ang kanilang pinakinggan. Ngunit nagparinig si Leonen na hindi perpekto ang Korte Suprema. Hindi namin alam kung ano ang ibig niyang sabihin.

Dito na nag-umpisa ang matinding batikos kay Leonen. May mga pakiwari kami (at sa tingin namin ay may batayan) na dahil sa tindi at dami ng batikos, hindi si Leonen at ang staff niya ang gumawa ng desisyon. Sa pakiramdam namin, galing ang desisyon sa labas, isinulat ng dalawa o tatlong junior lawyer, at kagyat ipinaikot ito para sa lagda ng mga mahistrado. Sa maikli, lutong makaw ang desisyon.

Hindi sumailalim sa totoong pagsusuri ng batas ang ponencia ni Leonen. Minadali ang desisyon upang matalakay agad ng Senado sa isang plenary session at desisyunan na tuluyang ibasura ito. Gayunpaman, hindi ganyan ang nangyari. Hindi motion to dismiss ang sinang-ayunan ng Senado kundi isang motion to archive. Nakabitin ang usapin at maaari itong buhayin sa sandaling baligtarin ng Korte Suprema ang unang desisyon.