Advertisers
NASAWI ang tatlo katao at pito ang sugatan sa engkwentro ng dalawang magkalabang grupong kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Linantangan sa Shariff Saidona Mustapha, Maguindanao del Sur, Linggo ng umaga, August 10, 2025.
Sa ulat nitong Lunes, August 11, ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sakay ng tatlong minivan patungo sa isang lugar ang mga tauhan nila Commander Malimbuteng at Zainudin Kairo, parehong kasapi 128 MILF Base Command, nang tambangan ng grupo nila Kagui Gani Adam, Esmail Salim at Tuhami Mamulintao sa bahagi ng highway sa Barangay Linantangan, ayon sa barangay officials sa Linanta-ngan at mga imbestigador ng Shariff Saidona Municipal Police Station.
Kinumpirma ng barangay officials at mga kawani ng local government unit ng Shariff Saidona Mustapha na tatlong mga sakay ng mga naka-convoy na minivan ang agad namatay sa mga tama ng bala, habang pitong iba pa ang sugatan sa ambush.
Ayon sa local officials, matagal nang may alitan ang dalawang grupo na parehong nasa hanay ng MILF.
Nag-ugat diumano ang kanilang away sa agawan ng mga teritoryo at pulitika. Magkalabang mga pulitiko ang kanilang mga sinuportahan nitong nakalipas na May 12, 2025 elections.