Advertisers
KINASUHAN ng Department of Education (DepEd) ang pitong pribadong paaralan na umano’y naglista ng ‘ghost students’ o mga pekeng enrollee bilang benepisyaryo ng voucher program ng pamahalaan, ayon kay Education Secretary Sonny Angara nitong Miyerkoles.
Nilantad ni Angara ang ulat bilang tugon sa tanong ni Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto sa pagdinig ng House appropriations committee.
“Nag-file kami ng kaso sa seven private schools na may ghost beneficiaries dito, so na-file na sa fiscal’s office na ‘yan at may demand letters tayo diyan,” ani Angara.
“May criminal cases tayo with the total amount involved of 61.9 million pesos. Tapos may pending investigation sa [DepEd] legal department regarding similar situations,” dagdag pa niya.
Noong Pebrero, iniimbestigahan ng DepEd ang 12 pribadong paaralan na hinihinalang may ‘ghost students’ sa ilalim ng Senior High School Voucher Program. Sa programang ito, binabayaran ng DepEd ang matrikula ng mga benepisyaryo base sa kanilang pangalan at reference number na nakasaad sa voucher.
Ang mga incoming Grade 11 mula sa pampublikong paaralan na gustong lumipat sa pribadong paaralan ay maaaring makatanggap ng voucher na nagkakahalaga ng P14,000 hanggang P22,500. Maging ang ilang estudyante mula sa pribadong paaralan ay maaari ring mag-apply.
Naunang sinabi ng DepEd na ang 12 eskuwelahang iniimbestigahan dahil sa ghost students ay mula sa Bulacan, Pangasinan, Metro Manila, Pampanga, Tarlac, Rizal, Northern Samar, Davao del Sur, at Maguindanao.
Noong isang taon, sa pagdinig ng Senate committee on basic education, natalakay na may higit 19,000 ghost students sa ilalim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE), kungsaan kabilang ang Senior High School Voucher Program.
Ayon sa DepEd, target nitong mabawi hanggang P100 milyon na pondong publiko sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong kriminal at sibil laban sa mga nasa likod ng maanomalyang voucher claims.