Advertisers

Advertisers

PAGREPASO NG ADS UKOL SA ONLINE SUGAL, ITINUTULAK NI SEN. ERWIN TULFO

0 17

Advertisers

Itinutulak ni Senate Committee on Games and Amusement Chairperson Senator Erwin Tulfo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Ad Standards Council (ASC) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang agarang pag-repaso ng mga advertisement na may kinalaman sa online gambling.

Sa isang pagpupulong noong Setyembre 3, tinalakay ng mga nabanggit na ahensya ang mga posibleng hakbang upang mapalakas ang kampanya laban sa adiksyon sa online sugal at ayon sa paliwanag ng mga opisyal, mayroong pre-clearing process para sa mga advertisement ng mga legal operators, ngunit hindi nito nasasaklaw ang mga ilegal na online gambling platforms.

“Ang problema dito, nababantayan man ang mga legal operators pero naglipana naman ang ads ng mga illegal gambling operators. Mapa-radyo man o sa Facebook, maririnig mo ang mga patalastas ng gaya ng 1xBet kahit na ilegal naman ito,” ani Sen. Tulfo.

Bilang tugon, nagkasundo ang mga grupo na magpatupad ng mekanismo upang matiyak na tanging mga responsible online gambling slogans lamang ang maaaring gamitin sa mga ads. Gayunpaman, nilinaw din ng ASC at KBP na hindi sakop ng kanilang regulasyon ang mga advertisement sa Facebook, TikTok, YouTube, at iba pang social media platforms dahil may sarili itong internal rules.

Kaugnay niyan ay inihayag ni Sen. Tulfo na iimbitahan ang mga kinatawan mula sa Meta, TikTok at Google sa susunod na Games and Amusement panel hearing sa Setyembre 11 upang talakayin ang mas mahigpit na regulasyon. Kasama rin sa mga ipatatawag ang mga law enforcement agencies at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para masawata ang operasyon ng mga illegal online gambling sites.

Dumalo sa nasabing pagpupulong sila PAGCOR Chairman Al Tengco at Assistant Vice President Vina Oca, ASC Chairperson Golda Roldan, President Anna Locsin, Vice President Jun Nicdao Jr., Dir. Herman Basbaño, Dir. Noel Galvez, Dir. Miko David, Executive Director Robbie Aligada at KBP representative Bobby Barreiro.

Kamakailan lamang ay naghain si Sen. Erwin Tulfo ng Senate Bill no. 1304 o “Anti-Online Gambling Act” na nagbabawal sa pag-operate ng gambling platforms/software, pagtaya sa online gambling, pag-advertise o promote ng sugal, at mga transaksyong patungkol sa sugal.

Samantala, sinabi ni Sen. Tulfo na ang pagbibitiw ni Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) Executive Director Herbert Matienzo ay inaasahan na dahil maliban sa malinaw na direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at DPWH Sec. Vince Dizon na linisin ang mga ahensya, lumutang din sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagkukulang ng liderato ng PCAB.

“Bagama’t inaasahan na ito, dapat siguruhin na lahat ng mga dokumento na maaaring gamiting ebidensya tungkol sa mga hinihinalang anomalya sa flood control projects ay maitabi at maitago. Hindi rin porke’t nag-resign ay abswelto na! Tuloy ang imbestigasyon sa kanila kahit wala na sila sa puwesto. Sa kabilang banda, maaari rin itong maging oportunidad na hikayatin ang mga nasibak o nagbitiw na mga opisyal na magsalita at maging witness sa lahat ng magiging imbestigasyon tungkol sa mga palyadong DPWH projects,” ayon pa sa Senador.

Patuloy rin umanong itutulak ni Sen. Tulfo ang pagrepaso sa Republic Act No. 4566 o ang “Contractors’ License Law” para baguhin ang komposisyon ng PCAB At alisin ang mga posibleng ‘conflict of interest’ sa mga uupong miyembro ng board.

“Paiigtingin din natin ang safeguards ng batas upang masiguro na ang PCAB ay kayang imbestigahan at kanselahin ang lisensya ng mga contractors na palpak at dapat blacklisted na,” pagtitiyak ni Tulfo. (JERRY S. TAN)