Advertisers

Advertisers

UGNAYAN NG PILIPINAS AT CAMBODIA MAS PALALAKASIN NI PANGULONG BBM

0 15

Advertisers

MAHALAGA ang bawat pagbisita ng Pangulo sa ibang bansa dahil dito nahuhubog ang mas matibay na ugnayan ng Pilipinas sa kapwa bansa sa Asya.

Sa nakatakdang state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Cambodia (Setyembre 7-9,2025), tatlong pangunahing bagay ang tinututukan—pagpapalakas ng kalakalan, pagtutulungan laban sa transnational crimes—at suporta para sa ASEAN Chairmanship ng Pilipinas sa 2026.

Aba, ang pagpapalago ng kalakalan ay hindi lamang para sa mga negosyante kundi para rin sa mga ordinaryong Pilipino.

Kapag mas maraming produktong Pilipino ang naipagbili sa Cambodia—tulad ng pagkain, inumin at gamot—nadadagdagan ang oportunidad sa trabaho at kita para sa ating mga kababayan.

Sa kabilang banda naman, mas bubukas din ang pinto para sa mga negosyanteng Pilipino na palawakin ang kanilang negosyo sa ibang bansa.

Hindi rin palalampasin ang isyu ng transnational crimes gaya ng human trafficking.

Sa lumalalang problema ng mga scam at illegal recruitment sa Southeast Asia, mahalagang magkaisa ang mga bansa tulad ng Pilipinas at Cambodia upang maprotektahan ang ating mga mamamayan.

Tunay na ang pagtutulungan dito ay simbolo ng responsableng pamumuno at malasakit sa tao.

Importante rin ang suporta ng Cambodia sa ASEAN Chairmanship ng Pilipinas sa 2026.

Siyempre, pagkakataon ito para ipakita ng bansa ang kakayahan nitong manguna at magsulong ng kooperasyon sa rehiyon.

Masasabing hindi lamang diplomatikong tagumpay ang ganitong suporta kundi pagkilala na rin sa papel ng Pilipinas sa pagpapalakas ng ASEAN.

Kaya naman, sa kabuuan, ang state visit na ito ay hindi lamang pormalidad kundi konkretong hakbang tungo sa mas maayos na ugnayan, mas ligtas na lipunan, at mas maunlad na ekonomiya.

Sa pamamagitan ng ganitong diplomasya, maipapakita ng pamahalaan na ang bawat aksyon ay may direktang benepisyo para sa bawat Pilipino—dito man sa bansa o sa ibang panig ng mundo.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.