Advertisers
Pinangunahan ni Regional Director Francis Ray Almora ng Land Transportation Office Region 2 (LTO RO2) ang kick-off ceremony ng Oplan Biyaheng Ayos 2025 nitong Lunesn, Oktubre 20, 2025, bilang paghahanda sa nalalapit na paggunita ng Undas 2025.
Ayon kay Almora, tatagal ang malawakang operasyon sa mga pambansang lansangan sa loob ng dalawang linggo, o hanggang Nobyembre 4, 2025.
Layon ng Oplan Biyaheng Ayos 2025 na matiyak ang maayos at ligtas na biyahe ng mga motorista at pasaherong pauwi ng kani-kanilang probinsiya at papalabas ng Rehiyon Dos.
Titiyakin din ng ahensiya ang mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko, habang isusulong ang disiplinado at patas na serbisyo mula sa mga LTO enforcers na itatalaga sa mga pangunahing lansangan.
Dagdag pa ni Almora, mahalaga ring maging magalang at maayos sa pakikitungo ang mga tauhan ng LTO upang mapanatili ang integridad ng kanilang serbisyo.
Kaugnay nito, dumalo rin sa seremonya sina Assistant Regional Director Geronimo Santos at Venancio Tuddao, Chief ng Operations Division ng LTO RO2.
Ang “Biyaheng Ayos Undas 2025” ay ipinatutupad sa bisa ng Memorandum Order ng Department of Transportation (DOTr) noong Oktubre 8, 2025, matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Acting Secretary Atty. Giovanie Z. Lopez at Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ng LTO na paigtingin ang pagbabantay sa mga lansangan upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero ngayong panahon ng Undas. (Fidel Coloma)