Advertisers
Nagpaabot ng pasasalamat si South Korean President Lee Jae Myung kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtatatag ng Korean Help Desk sa loob ng Philippine National Police (PNP) na layong tumugon sa mga kasong kinasasangkutan ng mga Koreanong nasa bansa.
Sa kanilang pulong sa sidelines ng APEC Summit sa South Korea, binigyang-diin ni Lee na malaking tulong ang naturang help desk sa pagpapalakas ng ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangan ng seguridad at proteksiyon ng kanilang mga mamamayan sa bansa.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Pangulong Marcos na patuloy na magsisikap ang Pilipinas na maging ligtas na lugar para sa lahat ng dayuhan, kasabay ng pagpapatibay ng kooperasyon sa pagitan ng mga awtoridad ng dalawang bansa.
Bukod sa usaping ito, tinalakay din nina Marcos at Lee ang pagpapalawak ng kooperasyon sa defense, shipbuilding, at infrastructure, gayundin ang pagtutok sa pagpuksa ng mga transnational crimes gaya ng scam centers. (Gilbert Perdez)