Advertisers
NATAGPUAN na ang anim na katawan ng pinaniniwalaang mga piloto at crew ng bumagsak na Super Huey helicopter nitong Martes ng tanghali sa Barangay Sabud, Agusan del Sur.
Ito ang kinumpirma ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng Philippine Army nitong Martes ng gabi sa kanilang Facebook page matapos ang isinagawang search and rescue sa pagbagsak ng nasabing chopper.
Gayunman, hindi na muna isinapubliko ang pagkakakilanlan ng mga nakuhang labi habang isinasailalim pa ang mga ito sa pagsusuri ng forensics team at hangga’t hindi pa naipaaalam sa kani-kanilang pamilya
Samantala, dahil sa pagbagsak ng isang Super Huey helicopter, grounded o hindi muna paliliparin ang natitira pang tatlong Super Huey helicopter ng Philippine Air Force (PAF).
Ayon kay Colonel Ma. Cristina Basco, hepe ng Public Affairs office ng PAF, ito ang inisyal na ginagawa habang hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon hinggil sa pagbagsak ng kahit anong air asset ng hukbong panghimpapawid.
Nabatid na galing ng Davao at patungo sa Butuan City ang apat na air assets kasama ang nasabing Super Huey helicopter para sana mag-inspeksyon sa mga lugar at magbigay narin ng humanitarian assistance sa mga sinalanta ng bagyong Tino ganap na 12:30 ng tanghali.
Matapos na mawalan ng komunikasyon sa mga kasamang air asset, agad itong hinanap ng mga kasamahan at natagpuan itong nag-crash sa parte ng Barangay Sabud. (Mark Obleada)