Advertisers
Kung meron mang dapat pagukulan ng masidhing pansin ang mga nasa Kongreso, ito ang paglaganap ng “political family” na di masawata dahil ginawa na itong hanapbuhay ng mga may pera upang pumailanlang sa pulitika ay magkamal ng “mas maraming pera” nang walang ginagawa kundi ipamarali ang kapangyarihang kaakibat ng kasikatan gamit ang inosente o bayarang dukha sa tuwing sasapit ang halalan.
Sa mga lumalabas na katiwalian ngayon na ang nangunguna ay ang mga “insertion”, komisyon at “ kickback”na trilyones na ang nadidiskubre ng Independent Commission on Infrastructure…mga pulitiko at kanilang mga kaananak ang top of the list na siyang nagkamal na mahigit sa bilyong piso ang karamihang nananakaw mula sa buwis ng mamamayan at hanggang ngayon ay hindi pa nasosolusyunan dahil ang mga kaanak na pulitikong nasa poder ng kapangyarihan ay silang humaharang at nagpapabagal ng proseso sa paghahanap ng katarungan para sam ga mamamayan.
Ang nangunguna sa mga political dynasty na siyang nagti-trending ngayon sa lahat ng media platform ay ang malalakas na pamilyang Marcos at Romualdez, mga Villar, Estrada, Duterte, at Tulfo — na naguumpisa nang ikalat ang kanilang pamilya sa larangan ng pulitika. Ito ay kung Metro Manila ang paguusapan na kung saan ang seat of government at power ay naroroon. Ilang lang itong mga lantarang pamilya na pakapalan na ng mukha at apog ang kapital – yae nang makantyawan…sabi nga ng ilang Batanguenyong kakilala ko.
Silang mga me “ pulitikong angkan” ay nagmumunini sa pera ng bayan…sa lalaki ng country development fund na kanilang nakukuha at kokonting proyektong pangmasa tyak swak sa bulsa ang pera ng abang si Juan dela Cruz! Kumustahing mo nasaan itong si “tongresman at si senatong”? Hayun namimili ng kotse at nagpapagawa ng pang 4 na mansyon, o dili kaya ay nasa ibang bansa—sa Europa at nagpapagamot daw. Ganoon nila winawaldas ang pera at kabuhayan bg pobreng Pilipino.
Ngayong may nauulinigan na tayong may mga mambabatas na ibig nang magsusog ng Anti-Dynasty Bill, sana ay magtagumpay ito kasama na ng pagbabagong isip ng mga mamayan sa pagpili ng mga pulitikong may damdamin at malasakit na magsilbi…hindi magnakaw!