Advertisers
NASAWI ang isang sundalo ng Philippine Army, na kasapi ng 6th Infantry Battalion, nang maputukan ng kanyang service firearm sa loob mismo ng kanilang barracks sa Barangay Capiton, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, Sabado ng gabi, November 8.
Kinilala ang biktima na si Private John Sorongon, 24 anyos, binata, at taga-Barangay Banaba sa Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.
Sa ulat noong Linggo, November 9, ni Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, nakahandusay, duguan at wala nang buhay ang biktima nang matagpuan ng kanyang mga kasama na nakarinig ng putok sa loob ng quarters ng kanilang roadside detachment sa Barangay Capiton.
May tama ng bala sa ulo si Sorongon na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Hindi pa lubusang mabatid kung nagbaril sa sarili, o aksidenteng naputukan si Sorongon ng kanyang 5.56 T4 assault rifle na natagpuan sa tabi ng kanyang bangkay.