‘Protect Sierra Madre,” Total Activity Ban at Pagpapatupad ng Environmental Laws, Panawagan ni Sen. Erwin
Advertisers
Tulad siya ng isang ina na laging magpoprotekta sa kanyang mga anak mula sa panganib o pagkawasak, ganito isinalarawan ni Sen. Erwin Tulfo ang kahalagahan ng Sierra Madre mountain range noong kasagsagan ng bagyong Super Typhoon Uwan.
Sa kanyang privilege speech noong Martes, Nobyembre 11, 2025, hinimok ni Tulfo ang kanyang mga kasamahan na paigtingin ang kanilang mga pagsisikap upang maprotektahan ang bundok ng Sierra Madre.
“Noong Sabado at Linggo lamang, nang tumama ang Super Typhoon Uwan sa Luzon, muli nating nasaksihan ang katatagan ng Sierra Madre. Siya ang humarang sa unos, pumigil sa hagupit ng hangin, at nagligtas ng milyun-milyong buhay sa Luzon,” ani Tulfo.
“Tahimik po niyang ginampanan muli ang tungkulin bilang ating tagapagligtas — parang isang ina na ikinubli ang kanyang mga anak sa dapat sana’y nakamamatay na hagupit ni Uwan,” anang senador.
Ang Sierra Madre ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas, na umaabot sa mahigit 540 kilometro sa kahabaan ng silangang baybayin ng Luzon. Ito ay nagsisilbing natural na pananggalang laban sa mga bagyo mula sa Karagatang Pasipiko.
Ang hanay ay mula Cagayan sa hilaga hanggang Quezon sa timog.
Ayon kay Tulfo, ang Sierra Madre ay nakapagligtas sa Luzon nang hindi mabilang na beses — mula sa Bagyong Yolanda, Rolly, Paeng, at ngayon ay Uwan.
“Pero sino ang magliligtas sa Sierra Madre? Hindi ito makakapagsalita para sa sarili nito. Hindi ito maaaring magmartsa papunta sa bulwagang ito. Hindi ito makahihingi ng awa laban sa mga bulldozer at chainsaws. Nasa atin ito — ang mga kinatawan ng bayan — upang bigyan ito ng boses at legal na proteksyon,” aniya.
Sinabi ni Tulfo na “patuloy na nag-iiwan ng mga bakas ang pagmimina sa mga dalisdis nito. Ang iligal na pagtotroso at quarrying ay nagpapababa sa kalidad ng lupa nito. Ang mga pagpapaunlad sa imprastraktura at resort ay nagbabanta na hatiin ang mga kagubatan nito.”
Sa kabila ng pagpasa ng Republic Act No. 9125, o ang Northern Sierra Madre Natural Park Act of 2001, na naglalayong protektahan ito, nananatiling hindi sapat at mahina ang pagpapatupad ng mga probisyon na dapat sana ay nagpoprotekta sa natitirang likas na yaman ng bansa.
“Nananawagan ako na agad suriin at pagtibayin ang pagpapatupad ng proteksyon sa Sierra Madre. Nararapat ang mas maigting na pagbabawal sa anumang mapaminsalang pagmimina, pagtotroso, at pagtatayo ng lahat ng uri resort, bakasyunan man o permanenteng tirahan, kasabay na rin ang pagbibigay ng kabuhayang pangkalikasan sa mga katutubo at lokal na komunidad na tunay na tagapangalaga ng kalikasan,” ani Tulfo.
“Kung ang Sierra Madre ay handang isakripisyo ang sarili upang tayo ay mailigtas, hindi ba’t panahon na ngayon na tayo naman ang magligtas sa kanya?” dagdag pa ng senador.
Ipinahayag ni Senator Raffy Tulfo ang kanyang suporta sa privilege speech ni Senator Erwin at pinuna ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa umano’y Environmental Compliance Certificate-for-sale at pagiging reactive imbes na proactive sa pangangalaga ng kalikasan.
Nagpahayag din ng suporta sina Senators JV Ejercito, Risa Hontiveros, Loren Legarda, at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa panawagan ni Senator Erwin Tulfo na protektahan ang Sierra Madre. (JERRY S. TAN)