Advertisers
HINDI totoo ang sinasabi ng manananggol umano ni Bato dela Rosa na walang karapatan ang ICC na ipadakip si Bato sa teritoryo ng Filipinas. Kung sino man ang abogadong iyon, hindi niya naiintindihan ang kanyang sinasabi. Hindi siya kilala at ipagkakait ko na ibigay ang kanyang pangalan para hindi sumikat ang kamoteng iyon.
Noong Huwebes, nagsumite si Bato sa pamamagitan ng kanyang abogado ng urgent motion para bigyan ng TRO ang anumang pagtatangka na dakpin siya. Hindi kami magbibigay ng anuman komento sa isyung ito. Laro ito ng mga abogado. Hayaan na lang namin na sila ang magbigay ng kanilang kuro-kuro.
Kasama ang Filipinas sa mga bansa na gumawa at pumanday sa Rome Statute, ang tratado ng maraming bansa na gumawa sa International Trial Court (ICC). Panahon ito ni FVR ng gawin ang tratado. Si Erap Estrada ang nagratipika ng trado.
Naipit ito nang si GMA ang pangulo at abot sa siyam na taon ang pagkaantala upang ayunan ito ng Senado (Senate concurrence). Imbes na pagsang-ayon ng Senado sa tratado, ipinasa ng Kongreso noong panahon ni GMA ang RA 9851, ang batas na na may halos parehong probisyon tulad ng Rome Statute. Si PNoy ang humingi ng pagsang-ayon ng Senado sa tratado at nangyari ito noong 2011.
Lingid sa kaalaman ng abogado ni Bato (hindi namin alam kung binasa niya ang Rome Statute), may pananagutan ang Filipinas bilang isa sa sa mga kasaping-bansa na ipatupad ang probisyon ng Rome Statute. Tulad ng kliyente niya na si Bato na kinikilala sa labis na kamangmangan at kabobohan, may probisyon doon tungkol sa pagkalas ng isang bansa sa Rome Statute.
May probisyon na nagsasaad na kapag tumiwalag ang isang bansa bilang kasapi ng Rome Statute, hindi natatapos ang pananagutan nito sa tratado. May hurisdiksyon ang ICC sa mga krimen na naganap sa panahon na kasaping bansa ang Filipinas ng Rome Statute. Malinaw ito ang kinilala ito ng ating Korte Suprema.
Nagdesisyon si Gongdi na tumiwalag ang Filipinas sa Rome Statute noong ika-19 ng Marso, 2018. Nainis si Gongdi dahil sumampa sa estado ng “preliminary investigation” ang unang sakdal na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa ICC noong ika-24 ng Abril, 2017.
Nagkabisa ang pagtiwalag noong ika-19 ng Marso, 2019. Itinatadhana ng Rome Statute ang isang taon na palugit upang magkabisa ang anumang pagtiwalag. Nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang senador upang ipawalang bisa ang desisyon ni Gongdi.
Pero sa desisyon ng Korte Suprema na isinulat ni Mahistrado Marvic Leonen at kinatigan ng lahat ng mahistrado, sinang-ayunan ng Mataas na Hukuman ang kapangyarihan ng pangulo na tumiwalag sa anumang tratado. Kinilala ng Korte Suprema na hindi nilabag ni Gongdi ang Saligang Batas na tumiwalag ang Filipinas sa ICC kahit desisyon niya ito ng mag-isa.
Ngunit – ito ang hindi naiintindihan ng kampo ni Gongdi at kahit si Bato – kinilala ng Korte Suprema ang poder ng ICC na isailalim sila sa proseso ang mga krimen na naganap noong kasaping bansa pa ang Filipinas sa ICC. Samakatuwid, hindi nawawala ang pananagutan ng Filipinas sa ICC sa panahon na kasaping bansa ang Filipinas.
Kaya para sa kaalaman ni Bato at ang abogado niyang kamote, may poder ang ICC na dakpin si Bato sa bansa at iharap siya sa anumang paglilitis bilang sangkot sa madugo pero bigong giyera kontra droga ni Gongdi. Si Bato ang nagpatupad ng utos na patayin ang libo libong katao dahil sa hinala na tulak at adik sila.
Dapat isunod ng ICC si Bong Go (kinikilabutan kami na tawagin siyang senador) dahil siya ang nagsilbing tagabigay ng pabuya sa maramihang patayan noong panahon ni Gongdi. Kailan kaya bababa ang arrest warrant ni Bong Go?
***
IKINASA ng tatlong sekta ang kanilang rali sa Linggo. Maigi at sa Luneta nila gagawin ang kanilang kilos protesta kung totoong nagproprotesta nga. Iba kasi ang nasasagap naming balita. Maraming hinihinging pabor kay BBM ang isang sekta. At dahil marami ang hinihingi, hindi sila pinagbigyan ni BBM sa maraming pagkakataon.
Iyong isang sekta, nanganganib ang anak ng kanilang pangunahing lider na makulong. Ang galing nagnakaw pero nang nabuko, takot na takot sa bilibid. Nais nilang mailigtas ang kanilang lider sa bilangguan. Bistado ang kanilang laro.
Iyong isang sekta, pilit nilang inilulusot ang kanilang lider sa extradition sa Estados Unidos. Kapag ibinigay ni BBM ang kanilang lider sa Estados Unidos, hindi na makakalabas sa kalaboso ang lider na nagkukunwaring “anak” ng Diyos.
Teka, nais ng tatlong na iyan na iluklok si Misfit Sara bilang pangulo. Wala naman ibang gusto si Misfit kundi ang ibalik ang ama na nakakulong sa ICC. Pero wala silang suporta sa sambayanan. Tanging sa mga sektang ligaw ang pananampalataya nakasalalay ang kanilang suporta.