Advertisers

Advertisers

PAGHAHANDA SA BAGONG GOBYERNO

0 78

Advertisers

PAGHAHANDA SA BAGONG GOBYERNO

TAHASAN ang kanilang paghahanda para sa bagong gobyerno. Sa buong akala nila, kapag nagtipon-tipon ang tatlong milyon sa Luneta Park, babagsak ang gobyerno ni BBM at hahalili si Sara Duterte. Ngunit nasa kalahating milyon ang dumating. Hindi kami kumporme sa bilang na iyan at sa tingin namin, nasa 150,000 ang dumalo sa rali. Abot sa 95% sa kanila ay mga kasapi ng Iglesia ni Cristo at ang iba nama’y kasapi ng Jesus is Lord (JIL) ng mag-amang Eddie at Joel Villanueva at Kingdom of Jesus Christ (KoJC) ng nakabilanggong pastor na si Apollo Quiboloy.

Rali umano ang nangyari upang ipaglaban ang accountability at transparency, bagaman walang madulas ang dila sa kanilang hanay ang nagpaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng dalawang konsepto mula sa kanilang pananaw. Kahit ang kanilang pangunahing propagandista na si na broadcaster ay tahimik sa dalawang konsepto. Tatlong araw sana ang itatagal ng rali ngunit sa kalagitnaan ng ikalawang araw, bigla itong itinigil ng pamunuan ng INC sa hindi malamang kadahilanan. Tulad ng nakagawian, sikreto ang dahilan kahit obyus.

Isang malaking dahilan ang panahon. Hindi sila binibiro ng panahon dahil may panaka-nakang ulan. Ayon sa ilang netizen, hindi madali para sa mga kasapi ng INC ang ganitong sitwasyon. Marami ang mahirap sa kanila at dahil sa kasalatan ng tsibog at gamot, madali silang kapitan ng karamdaman. Marami sa kanila ang walang flu shot at anti-pneumonia vaccine. Hindi namin alam kung sagot sila ng kanilang sekta sa sandaling nagkasakit sila. Mukhang hindi. Mukhang walang usapan diyan.

Pinakamaganda ang ginawa ng pamunuan ng INC na pauuwiin ang kanilang kasapi. Iwas sakit ang desisyon na iyan. Bukod diyan naramdaman na rin ng INC na hindi babagsak ang gobyerno ni BBM sa kanilang kilos protesta na hindi maintindihan kung nagproprotesta nga. Matamlay ang rali. Wala ang nagbabagang salita na magpapaalab sa kanilang damdamin upang tahasang hingin na bumaba si BBM at pumalit si Sara.

Tanging ang mga nagsalita ang may mensaheng himig protesta. Ngunit hindi sineryoso ng mga kasaping INC. Alam nila na walang lalim at kagat ang sinasabi nila. Nagsalita si Rodante Marcoleta sa unang araw, pero wa epek. Pinagtatawanan sa Senado si Marcoleta at kahit ang mga kasamang senador ay walang respeto at paghanga sa kanya. Mahangin lang si Marcoleta at sadyang matindi ang kayabangan sa katawan pero hindi siya sineryoso. Hindi siya kinagat, sa maikling usapan, kahit hindi siya sinigawan ng “boo.”

Sa pangalawang araw, nagsalita si Rowena Guanzon (ang tsismis ay anak siya ni dating senador Roding Ganzon sa isang mayamang hasendera pero iniba ang ispeling ng pangalan para hindi halata), pero wala rin epekto. Sa huli, nagtalumpati si Imee at siniraan ang kapatid. Kumulog at kumidlat at umulan. Marami ang tumakbo upang sumilong. Diyan nagtapos ang rali. Wala ng sumunod. Uwian na.

Hindi rali ng protesta ang nangyari. Naging isang malaking pagtitipon ng iba’-ibang kasapi ng INC mula sa iba-ibang lokal (iyan ang tawag nila sa tsapter nila). Bungisngisan, tawanan, kuwentuhan, at tsismisan ang nangyari. May kilos protesta ba na ganito? Piyesta ang rali ng INC. Wala ang galit ng kinukuyumos na damdamin. Paano babagsak ang gobyerno?

Habang nagrarali, may sariling suite sa Manila Hotel ang mga pinuno ng INC. Doon sila kumain, natulog, at nagpahinga. Hindi sila sumama sa mga kasapi ng nagtiis ng init, ulan, lamok, langaw, at iba pang kulisap sa malawak na damuhan ng Luneta Park. Maaaring may kuwarto rin si Sara Duterte sa Manila Hotel kung saan may nakatago siyang gown na isusuot sa sandaling tawagin siya upang sumumpa bilang bagong pangulo kapalit ni BBM. May nakahanda siyang talumpati at pinagpraktisan niya na i-deliver.

Hindi nangyari ang inaasam-asam nila. May natanggap na balita ang pamunuan ng INC mula sa intellegence service ng INC. May natunugan na may isang lihim na grupo ang humalo sa mga nagrali. Layunin ng hindi kilalang grupo na magpasabog ng bomba upang magtakbuhan ang mga kasaping INC. Hindi nagwalang bahala ang mga pinuno ng INC. Kinansela ang rali at kagyat na nag-uwian ang tila nalito at naguluhan na mga kasapi.

Hindi nila nabago ang daloy ng kasaysayan. Si BBM pa rin ang presidente.

***

Email:bootsfra@gmail.com