Advertisers
ISINAILALIM sa restrictive custody ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang walong anti-narcotics police dahil sa pagkakasangkot sa pagnanakaw habang nagsasagawa ng operasyon sa Pasig City.
Ayon kay NCRPO director Major General Anthony A. Aberin, ang mga sangkot ay mula sa District Drug Enforcement Unit ng Eastern Police District, na agad dinisarmahan.
“This is part of our commitment to discipline and accountability within the organization. The NCRPO maintains a firm policy against any form of abuse of authority, misconduct, or deviation from police operational procedures,” ani Aberin, kasabay ng pag-utos ng masusing imbestigasyon sa insidenteng naganap 2:00 ng hapon ng Disyembre 26 sa Barangay Palatiw.
Batay sa ulat, pumasok ang mga pulis sa isang bahay upang hanapin ang isang umano’y sangkot sa droga.
Ayon sa mga nakatira roon, may mga personal na gamit na kinuha ng mga pulis kaya humingi sila ng tulong sa Pasig City Police Station.
Sa beripikasyon, sinabi ni Aberin na walang naipakitang opisyal na dokumento ang mga pulis upang patunayan na lehitimo ang isinagawang anti-illegal drugs operation sa lugar.
Agad na isinailalim sa kustodiya ang lahat ng sangkot sa Pasig City Police Station at isasailalim sa inquest proceedings.