Advertisers
MARAPAT lang na imbestigahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at PNP Chief Jose Melencio Nartatez, ang direktang paglapastangan at pambabastos sa Anti- Illegal Gambling Act o ang Presidential Decree 1602 as amended by Republic Act No. 9287 dahil mismong mga tagapagpatupad umano ng batas ang bumabalewala dito.
Ayon sa reklamo inaabot ng madaling araw ang gabi-gabing operasyon ng illegal na sugal tulad ng ‘pulat-puti, color games at drop ball baraha’ ng malaking PERYAHAN na matatagpuan mismo sa Poblacion ng Bustos, Bulacan na ilang hakbang lamang ang layo sa Bustos Municipal Police Station.
Pakiwari nila, parang walang gobyerno at kaayosan na umiiral sa bayan ni Mayor Francis Albert “Iskul” Juan.
Ang masaklap mismong halal ng bayan at matataas na opisyal ng kapulisan ang mismong nangunguna sa paglabag sa batas na PD 1602 at RA No. 9287 dahil sa pagbibigay proteksyon sa gambling operation na pinatatakbo ng isang Konsehal Cruz?
Bukod dyan madalas din umanong nakikita ang presensya ng mga kilalang tulak ng droga sa pasugalan ni Konsehal Cruz.
Lahat ng yan ay alam umano ni Bustos Acting Chief of Police, PCpt. Heherson Zambale at Mayor Juan?
Ayon sa reklamo, hindi bababa sa 10-mesa ng ‘color games, pulat-puti at drop ball baraha” ang pinagpipiyestahan gabi-gabi ng mga sugarol at adik sa bayan ni Mayor Juan na pinatatakbo ng isang “Konsehal Cruz” na protektado umano ng munisipyo at ilang matataas na opisyal ng Camp Alejo Santos at Camp Julian Olivas kaya nagiging ‘untouchable’ ang “gambling operation” ng walang bumubulabog.
Mistula umanong kontrabida ang nabanggit na police official at alkalde sa ibinabang direktiba ni PNP Chief Nartatez na ‘No Take at One Strike’ Policy at “Marching Order” ni DILG Sec Remulla dahil sa nagiging MALAMYA umano ang mga ito sa paglaban o pagsugpo sa pasugalan ni Konsehal Cruz.
Saganang akin, kapag mahigpit na panindigan ni PNP Chief Nartatez ang paglilinis sa kanyang hanay ng batay sa polisiya ng Philippine National Police (PNP) na “Internal Cleansing” posibleng sumabit dito si Zambale dahil sa pangungunsinti at paglapastangan sa Presidential Decree 1602 at Republic Act 9287.
Ang tanong, ay kung paano ito nakakalusot kay Bustos Mayor Francis Albert “Iskul” Juan?
Yan ang paimbestigahan ni DILG Sec Remulla.
Tutukan natin, May kasunod pa pramis!
***
Anumang reaksyon o suhestiyon i-text sa 09397177977/09368626001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com – Lagi ring subaybayan ang programang “Balyador” tuwing lunes at biyernes 11:00am-12:00noon sa DWXR 101.7 FM at “Walang Personalan Trabaho Lang” tuwing martes at linggo 2:30pm-3:30pm sa DWBL 1242 kHz AM band Mega Manila