Advertisers
INARESTO ang 48-anyos na guro nang mapanood ng mga awtoridad ang malalaswang video na umano’y nagpapakita ng kanyang sekswal na pang-aabuso sa mga menor de edad na lalaking estudyante sa Cavite.
Ayon kay Brigadier General Maria Sheila Portento, hepe ng Philippine National Police–Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), natunton ng mga imbestigador ang online activities ng guro at natagpuan ang mga video sa pamamagitan ng koordinasyon sa National Center for Missing and Exploited Children at Interpol Child Sexual Exploitation Database.
Kinilala ang guro bilang isang junior high school teacher na umano’y paulit-ulit o “habitual” ang ginagawang pang-aabuso. Nilinaw ng mga awtoridad na hindi ibinebenta online ang mga video.
“Mayroong 32 videos na nagpapakita ng mga pang-aabuso niya. Ginagawan niya ng kahalayang sekswal ang mga menor de edad niyang biktima,” ani Portento.
Ayon sa imbestigasyon, nangyayari ang pang-aabuso at panghahalay ng guro sa loob mismo ng kaniyang bahay. Nasa P100 hanggang P300 ang ibinibigay ng guro sa bawat estudyanteng ginagawan niya ng panghahalay.
Anim na biktima ang nasagip, kabilang ang tatlong menor de edad. Ang tatlo pa, menor de edad din noong mangyari ang mga insidente.
Isasailalim ang mga biktima sa psychosocial intervention at counseling.
Ayon kay Portento, masakit ang kasong ito dahil ang alarin ay isang taong pinagkatiwalaan ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Nahaharap ang guro sa mga kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act (CSAEM) sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.