Advertisers
NASAWI ang isang hindi pa natutukoy na lalaking estudyante nang dalhin sa ospital sa General Trias, Cavite nang sumailalim umano sa hazing.
Ayon sa ulat ng General Trias Police, 2:00 ng hapon ng Linggo (Marso 1) nang dumating sa ospital ang isang kotseng Mitsubishi Mirage at karga ang lalaking walang malay.
Dalawang hindi nakilalang kasama nito ang bumaba ng sasakyan at agad na humingi ng tulong sa hospital staff, sinasabing biktima ng hit-and-run ang estudyante.
Nguni’t nang suriin ng doktor, napansin ang maraming pasa sa katawan ng biktima, partikular sa mga hita, na nagdulot ng hinala na hindi aksidente ang nangyari.
Sa kabila ng pagsisikap ng medical team, idineklarang wala nang buhay ang biktima 3:35 ng hapon.
Agad nagsagawa ng backtracking at forward tracking ang pulisya upang matukoy kung saan nanggaling ang sasakyan at kung sino ang mga nagdala sa biktima sa ospital.
Tatlong hindi pa nakikilalang lalaki ang tinutukoy na posibleng sangkot sa insidente.
Patuloy ang dragnet operation ng pulisya sa mga karatig-lugar para sa kanilang pagkakakilanlan at agarang pag-aresto.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang anggulong hazing bilang posibleng sanhi ng pagkamatay ng estudyante.(Koi LauraMark Obleada)