Advertisers
Isinampa na ng pamunuan ng Coliseo de Manila ang kasong sibil sa Manila Regional Trial Court, Branch 45 laban sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagsagawa ng raid sa sabungan noong Marso 25, 2016 sa Tondo, Maynila.
Sa isang press conference, ginawa mismo sa Coliseo de Manila, sinabi ni Atty. Carl Jon P. Mucho ng Chavez Miranda Associate Law Office, isasampa naman sa susunod na linggo ang kasong kriminal at administratibo laban sa mga tauhan ng CIDG.
Ang isasampang kasong kriminal at administratibo ay may kaugnayan sa iligal na raid dahil wala silang naipirisintang cyber warrant.
Iginiit ng abogado na hindi napatunayan ng mga sumalakay na awtoridad na may online sabong sa lugar at ang mga computer na kinumpiska ay bahagi ng kanilang operasyon.
“There was no online betting system and no illegal gambling activity in our cockpit.That has not been proven because it does not exist,” ayon kay Mucho.
Sinabi pa ng abogado na ang isinagawang raid ay base lamang sa hindi beripikadong impormasyon at wala silang warrant at ebidensiya.
“We believe there are serious legal issues, particularly the lack of warrant. That will be resolved this in the proper legal forum,” dagdag pa nito.
Matatandaan na mahigit 100 indibiduwal ang inaresto sa ginawang pagsalakay sa sabungan kung saan 28 katao ang kinasuhan pero naglabas ng resolusyon ang Manila Prosecutor Office na “Referred for further investigation”.



