Advertisers
MULING nalalagay sa sentro ng usapin ang Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ni Commissioner Ariel Nepomuceno matapos ang sunod-sunod na pagbibitiw sa puwesto ng mga matataas na opisyal ng ahensya—isang pangyayaring nagbubukas ng mahahalagang tanong hinggil sa pamumuno, integridad ng institusyon, at kakayahan nitong magpatupad ng tunay na reporma.
Napag-alaman kasi na isang opisyal na naman daw ang magre-resign.
Kapag nagkataon, siya ang ikalawang mataas na opisyal na umalis ngayong taon kasunod ni Michael Cristobal Fermin, na nagbitiw dahil daw sa “personal at security reasons.”
Hindi maiiwasan ang pag-usbong ng iba’t ibang haka-haka sa ganitong mga pangyayari. Sa isang ahensyang matagal nang inuugnay sa parehong malaking kita at kontrobersiya, ang bawat pagbabago sa liderato ay agad sinusuri ng publiko.
Posibleng may kinalaman daw ang isyu ng smuggling sa naturang pangyayari. Bagama’t hindi pa ito napapatunayan, ipinapakita nito ang patuloy na pangamba sa presensya ng mga sistemang mahirap na raw baguhin.
Sa kabila nito, hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang pattern ng sunod-sunod na resignasyon. Ito ay indikasyon daw na may umiiral na mas malalim na hamon sa loob ng organisasyon.
Matagal nang suliranin ng BOC ang smuggling—isang isyung paulit-ulit na sinusubukang tugunan ng iba’t ibang administrasyon, ngunit nananatiling kumplikado at mahirap resolbahin.
Kung totoo mang may internal resistance sa loob ng ahensya, malinaw na hindi sapat ang reporma sa liderato lamang.
Kinakailangan din ang pagbabago sa kultura at sistema na matagal nang nakaugat dito.
Para sa sinumang mamumuno sa BOC, kabilang na si Nepomuceno, hindi biro ang responsibilidad.
Kinakailangan ang matibay na suporta, malinaw na direksyon, at matatag na paninindigan upang maisulong ang reporma.
Ang alegasyon na may mga tauhan daw sa loob ng ahensya na sangkot o nagbibigay-proteksyon sa ilegal na gawain ay seryosong usapin din. Nangangahulugan daw kasi na may malaking butas sa sistema.
Ngunit kasabay nito, mahalagang igalang ang due process. Ang anumang paratang ay dapat dumaan sa masusing imbestigasyon upang matiyak ang katotohanan at maiwasan ang maling pagbibintang.
Sa mas malawak na persepsiyon, ang tiwala ng publiko sa BOC ay nakasalalay sa transparency at accountability. Ang bawat pagbibitiw ay may epekto sa pananaw ng mamamayan kung hindi ito malinaw na naipapaliwanag.
Aba’y hamon din sa pamahalaan ang pagpapanatili ng matatag na liderato at ang pagpapatibay ng mga mekanismo laban sa katiwalian.
Masasabi naman na ang sitwasyong ito ay paalala na ang reporma sa isang institusyon ay hindi madali at hindi agad-agad nakakamit.
Gayunman, sa gitna ng mga hamon, may pagkakataon para sa tunay na pagbabago—kung ito ay haharapin nang may katapatan, determinasyon, at pananagutan.
***
Catch Gilbert Perdez on “IZ Balita Nationwide” over DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23 every Saturday from 6:00 AM to 7:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or at 0991-354-3676.