Advertisers

Advertisers

Lalaking hinuling naka-topless habang naghahalo ng semento, na-trauma

0 3

Advertisers

IPINAHAYAG ng 53-anyos na lalaki sa Mandalu-yong City na na-trauma siya nang sitahin at tiketan dahil nakahubad habang naghahalo ng semento sa labas ng kanilang bahay sa isang eskinita sa Barangay Addition Hills.
Kinilala ang lalaki na si Jhony Lanquino, na nagsasagawa ng pagkukumpuni sa kanilang bahay nang lapitan ng mga pulis dahil sa umano’y paglabag sa isang local ordinance on public decency.
Ayon kay Lanquino, hinubad niya ang kanyang sando nang mabasa ng pawis habang nagtatrabaho sa labas ng kanilang tahanan.
Sinabi niya na pinalibutan siya ng ilang pulis at barangay officials habang sinisita siya.
“Sabi ko sa kanila, pasensya na kayo kasi kalalabas ko lang. Ang sabi ba naman sa akin, bueno mano, titiketan kita, P500 narin ito. Pagli-ngon ko, may mga pulis, doon ako na-trauma, pumasok ako kaagad dito,” ani Lanquino.
“Natakot talaga ako doon, hindi naman ako kriminal. Napaligiran ako. May SWAT pa nga eh,” dagdag niya.
Sinabi ng kanyang asawang si Norietta na dapat nagbigay muna ng babala ang mga awtoridad sa halip na tratuhin ang kanyang mister na parang kriminal. Kinuwestiyon din niya ang saklaw ng ordinansa at kung hanggang saan ito umiiral sa paligid ng kanilang bahay.
“Hanggang saan po ‘yung perimeter na pwede ka maghubad? Sana malaman namin na kaming maliliit kung hanggang saan nasasakop ‘yung batas,” dagdag ni Norietta.
Ayon kay Lanquino, natakot at nahiya na siyang lumabas ng bahay matapos ang insidente. Sa tulong ng isang barangay official, binayaran niya ang P500 multa sa city hall dahil natakot siyang maaresto kung hindi niya ito mababayaran.
“Malaki po ‘yung P500 kasi wala akong trabaho. Umaasa lang ako sa mga bigay ng anak ko. Gusto ko lang talaga matanggal ‘yung rekord ko,” aniya.
Nauna nang humingi ng paumanhin si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kay Lanquino at nangakong bibisitahin ang pamilya. Nangako rin si-yang maglalabas ng mas malinaw na gabay para sa mga pulis at local government units na nagpapatupad ng ordinansa sa ilalim ng ‘Safer Cities Initiative’.(Boy Celario)