Advertisers
UMARANGKADA na nitong Martes, Abril 14, ang P10 kada litrong diskwento sa diesel para sa mga kwalipikado at lehitimong drayber ng pampublikong jeepney at UV Express sa mga kalahok na gasolinahan sa National Capital Region (NCR).
Sa Palace press briefing, sinabi ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na umabot na sa 33 gasolinahan ang fully enrolled at kasali na sa programa sa ilalim ng Land Bank of the Philippines, at inaasahang makukumpleto pa ang kabuuang 52 gasolinahan sa loob ng araw.
Binigyang-diin ni Garin na may nakalagay na mga signage sa mga gasolinahang kabilang sa programa upang madaling matukoy ng mga drayber kung saan sila maaaring mag-avail ng diskwento sa diesel.
Ayon naman kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez, hawak na ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang listahan ng mga kwalipikadong operator ng jeepney at UV Express.
Sa ilalim ng joint program ng pamahalaan, maaaring magpakarga ang bawat kwalipikadong unit ng hanggang 150 litro kada linggo.
Gayunman, kung hindi ito magamit nang buo sa loob ng linggo, hindi na ito maaaring i-carry over sa susunod na linggo kaya’t kailangang maubos sa takdang panahon.
Tatagal ang nasabing fuel subsidy o diskwento sa loob ng tatlong buwan bilang bahagi ng patuloy na tulong ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon na apektado ng presyo ng langis.
Sa buong bansa, aabot sa 171,000 units ng jeepney at UV Express ang kabilang sa programa, kung saan 33,000 units ay mula sa Metro Manila. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)