Advertisers

Advertisers

Petisyon ni ex-Cong. Teves ibinasura ng CA

0 8

Advertisers

IBINASURA ng Court of Appeals (CA) ang petisyon na inihain ni dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves, Jr. kaugnay sa paglalabas ng search warrants laban sa kaniya at mga anak noong 2023.
Batay sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Apolinario Bruselas Jr., hindi pinagbigyan ng CA Third Division ang ‘petition for certiorari’ ni Teves nang mabigo itong patunayan na nagkamali ang hukom sa pag-unawa sa facts.
Inakusahan ni Teves si Judge Renato Enciso ng Manila Regional Trial Court (RTC) ng ‘grave abuse of discretion’ nang hindi nito pinawalang-bisa ang search warrant at pinagtibay pa ang legalidad nito na nagresulta sa pagsasampa ng kasong ‘illegal possession of firearms and explosives’ laban sa dating mambabatas.
Nadiskubre sa bahay nina Teves at mga anak nito ang mga baril, bala at pampasabog, pero iginiit niya na dapat pinawalang-bisa ang mga warrant at hindi dapat tinanggap ang ebidensyang nakuha.
Hindi rin sinang-ayunan ng appellate court ang argumento na iligal ang paghalughog sa bahay kungsaan pinahintulutan daw ng warrant ang paghahanap sa buong lugar, at nanatili sa legal na hangganan ang mga operatiba.
Sabi pa ng CA, hindi maituturing na bunga ng iligal na paghahanap ang pagkakatuklas ng iba pang armas at pampasabog sa loob ng bahay ni Teves.
Nahaharap ang dating kongresista sa patung-patong na kaso kabilang ang pagpatay kay dating Governor Roel Degamo at siyam pa noong 2023.