Advertisers

Advertisers

ISANG BANSANG WALANG GUTOM: PANGAKO AT PANININDIGAN NG PAMAHALAANG MARCOS

0 8

Advertisers

SA gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at pangamba ng maraming pamilyang Pilipino sa araw-araw na pagkain, muling iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang matapang ngunit makataong pangako—ang wakasan ang kagutuman sa bansa bago matapos ang kanyang termino.

Hindi ito basta retorika. Ito ay isang malinaw na direksyon ng pamahalaan na nagsisimula sa konkretong hakbang gaya ng pamamahagi ng bigas sa ilalim ng programang Biyayang Bigas para sa Maynila.

Sa unang tingin, maaaring ituring ng ilan na isa lamang itong panandaliang ayuda.

Ngunit kung susuriing mabuti, ang ganitong hakbang ay sumasalamin sa mas malalim na layunin—ang agarang pagresponde sa gutom habang hinaharap ang mas malalaking hamon sa ekonomiya.

Ngayong panahon na ang pandaigdigang krisis, partikular ang tensyon sa Middle East, ay direktang nakaaapekto sa presyo ng langis at pagkain, mahalaga ang mabilis at konkretong aksyon mula sa pamahalaan.

Hindi maikakaila na ang pagtaas ng presyo ng langis ay may domino effect sa lahat ng sektor, lalo na sa pagkain.

Dito pumapasok ang responsibilidad ng estado, kung hindi man nito kontrolado ang pandaigdigang presyo, tungkulin nitong pagaanin ang epekto nito sa mamamayan.

Masasabi na ang pamamahagi ng bigas ay isang simpleng hakbang, ngunit may agarang epekto, lalo na sa mga pamilyang araw-araw ay nakikipaglaban para may mailapag sa hapag.

Kapansin-pansin din ang pakikipagtulungan ng national government sa mga lokal na pamahalaan.

Aba’y sa pamamagitan ng direktang pagbibigay ng pondo sa LGU, nababawasan ang red tape at napapabilis ang paghahatid ng tulong.

Ito ang uri ng pamamahalang dapat palawigin, isang gobyernong hindi lamang nagpaplano, kundi epektibong nagpapatupad.

Sa kabilang banda, higit pa sa pamamahagi, ang tunay na hamon ay ang pagpapatuloy at pagpapalawak ng ganitong programa sa buong bansa.

Ang pangakong “walang gutom na Pilipino” ay hindi matatamo sa iisang lungsod lamang.

Kinakailangan nito ang tuloy-tuloy na suporta, maayos na implementasyon, at higit sa lahat, isang pangmatagalang plano na magpapalakas sa agrikultura at kabuhayan ng mga Pilipino.

Hindi lamang laban ng pamahalaan ang laban kontra gutom, kundi ng buong bansa.

Malinaw din naman na ang pamumuno ay nagsisimula sa malinaw na layunin at konkretong aksyon.

Kung magpapatuloy ang ganitong direksyon—may malasakit, may sistema, at may determinasyon—hindi malayong ang pangarap ni PBBM na walang gutom na Pilipino ay maging isang realidad, at hindi na lamang isang pangako.

***

Catch Gilbert Perdez on “IZ Balita Nationwide” over DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23 every Saturday from 6:00 AM to 7:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or at 0991-354-3676.