Advertisers

Advertisers

MANILA WATER HANDA SA ‘EL NINO’

0 10

Advertisers

MAY dalawang kautusan, o mandando (mandate), ang Manila Water Company Inc. sa ilalim ng concession contract nito sa gobyerno: una, magbigay ng sapat na malinis na tubig para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan; at ikalawa, itayo, palawakin, at paunlarin ang sistemang alkantarilya (sewerage system) upang makolekta at malinis ang wastewater (tubig na nagamit) bago muling pakawalan ito sa ilog o dagat.

Dalawang opisyales ng Manila Water ang humarap sa Kapihan sa QC media forum sa Sangkalan Restaurant noong Linggo upang ipaliwanag ang paghahanda ng kompanya sa nakababahalang tagtuyot na maaaring idulot ng El Nino sa huling bahagi ng kasalukuyang taon. May babala na magdudulot ito ng ibayong hirap sa mga maapektuhan ng El Nino.

Tinalakay nina Jeric Sevilla, Group Head ng Corporate Strategic Affairs and Communications ng Manila Water, at Dittie Galang, Corporate Communications Manager, ang mga paghahanda – mga panandalian at pangmatagalang hakbang – upang hindi masalanta ang mga mamamayan sa masamang epekto ng El Nino.

Sa ilalim ng kanilang mga service contract sa gobyerno, pinaglilingkuran ng Manila Water ang kanlurang bahagi ng Metro Manila at ang Maynilad Water Services ang nakatutok sa bahaging silangan. Hindi limitado ang Manila Water sa service contract sa gobyerno. Naglilingkod ito sa malaking bahagi ng Rizal at Laguna at dating Clark Air Base sa Pampanga, Davao City, at Boracay sa Aklan.

“Walang krisis sa tubig,” ani Sevilla bilang tugon sa babala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maaaring magkaroong tinawag nitong “water bankruptcy” sa huling bahagi ng 2026 dahil sa matinding El Nino. Mangyayari iyon kung hindi tutugunan ang matinding pangangailangan sa tubig ng mga kabahayan (household), industriya, at agrikultura, aniya. May sapat na supply ng tubig upang harapin ang El Nino, aniya.

Pangunahing galing ang supply mula sa Angat Dam (1,600 milyong litro kada araw), ani Sevilla. Dumadaloy ang tubig mula Angat Dam pababa sa Ipo Dam at La Mesa Dam hanggang tumuloy-tuloy ito sa Balara Filtration Plant Sa Quezon City. Kumukuha ang Manila Water ng supply sa gitnang bahagi ng Laguna Lake (100 milyong litro kada araw) at silangang bahagi (80 milyong litro kada araw), aniya.Nakuha ng Manila Water ang Upper Wawa Dam noong nakaraang taon at may kapasidad ito magbigay ng abot sa 710 milyong litro kada araw, ani Sevilla.

Walang kasalukuyang krisis sa tubig, ani Sevilla, dahil nagbibigay ito ng serbisyo na 24/7 at 100% sa concession area nito sa Metro Manila. Kinikilala ng kompanya ang apat na haligi ng kanilang commitment sa bayan – water security, service reliability, service accessibility, at environmental reliability, ani Sevilla. Nagbibigay rin ng serbisyo sa ilang bayan ng rizal kung saan may operasyon ang Manila Water.

Bilang paghahanda sa El Nino at tagtuyot, inihahanda ng Manila Water ang mga pasilidad sa imbakan ng tubig (water storage) tulad ng storage sa Upper Wawa na may kapasidad ng mag-imbak ng 135 milyong litro. Gagamitin na imbakan ang ilalim ng Bonifacio Global City at tinitingnan ang posibilidad ang ilalim ng Quezon Memorial Circle at Parks and Wildlife sa Quezon City. Layunin na imbakin ang tubig baha upang magamit, ani Sevilla.

Tungkol sa capital expenditure (capex) ng Manila Water, abot P28 bilyon ang gastos sa taong ito hindi lang sa East Metro Manila concession area kundi kahit sa ilang lugar tulad ng Rizal, Laguna, at iba pa. Abot sa P12.5 bilyon ang gastos sa capex noong nakaraang taon, anila. Kasama sa capex pagpapaunlad at pagpapalawak ng mga pasilidad sa pagkuha at pag-iimbak ng kompanya na mga lugar na may operasyon sila.

Ipinaliwanag ni Galang na walang epekto ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa taripa ng tubig mula Manila Water. Ipinataw na ang taripa batay sa rate rebasing scheme na iniharap noong 2022 para sa mga taong 2023-2028. Kung may epekto ang pagtaas ng halaga ng presyo ng petrolyo sa operasyon ng Manila Water, maaaring iharap ito sa susunod na taon upang ipataw sa 2028-2033, ani Galang. Labis-labis ang regulasyon sa negosyo ng tubig, ani Sevilla.

Tungkol sa alkantarilya, niliwanag ni Galang na 35% ng mga kabahayan sa East Metro Manila Concession Area ang may angkop na wastewater facilities at layunin ng kompanya na palawakin at paunlarin ang kanilang pasilidad. Kasama sa pagpapaunlad ang pagpapalawak ng mga linya ng tubo para sa wastewar at pagtatayo ng wastewater treatment plant upang ang tubig na maibabalik sa ilog at dagat ay may kakayahan ng buhayin ang buhay sa tubig.

Binaggit ni Galang ang problema sa mga LGUs na tumututol sa paglalagay ng linya ng mga tubo at iba pang pasilidad sa alkantarilya. Hindi sila natutuwa sa alkantarilya. Inamin ni Sevilla na kasama sa ibinabayad na taripa ng mga mamamayan ang pagpapaunlad ng alkantarilya. Sa lugar na walang alkantarilya, sinabi ni Galang na may gumagalang pasilidad ang Manila Water upang higupin ang mga wastewater.

Binanggit ng dalawang opisyales ng Manila Water ang kahalagahan ng responsable paggamit ng tubig upang mapaghandaan at maharap ang peligro na dulot ng El Nino. Inamin ng dalawang opsiyales ang pangangailangan ng ibayong edukasyon at pagtuturo sa mga mamamayan sa tamang paggamit ng tubig. Kailangan iwasan ang pagtatapon at kumpunihin ang mga sirang tubo at pasilidad upang maiwasan at mga tulo at pagtatapon ng tubig.