Advertisers
NANANATILI sa kustodiya ng Czech Republic si dating Congressman Zaldy Co habang isinasagawa ng pamahalaan ang mga hakbang para sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inatasan niya ang Department of Justice at Department of Foreign Affairs na pangunahan ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech upang matiyak ang maayos at legal na proseso ng pagpapauwi kay Co.
Dagdag pa ni PBBM, magpapadala ang gobyerno ng isang high-level coordination team na tututok sa kabuuang proseso upang mapabilis ang pakikipag-ugnayan at pag-asikaso sa kaso ni Co.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang ganitong usapin ay dumaraan sa masusing legal na proseso sa pagitan ng mga bansa kaya’t nangangailangan aniya ito ng sapat na panahon upang maisakatuparan nang tama.
Tiniyak din ng Pangulo na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang maiuwi sa bansa si Co alinsunod sa batas at mga umiiral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic.
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na pagdating sa bansa, haharap si Co sa pananagutan at sasagot sa sambayanang Pilipino. (Gilbert Perdez)