Advertisers
HINDI namin nakikita na makakalusot si Misfit Sara sa impeachment proceedings sa kanya. Dudurugin siya sa dalawang kapulungan ng Kongreso – Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives) at kahit sa Senado – sa maraming pinsala na idinulot ni Misfit Sara sa bayan. Papanagutin si Misfit Sara upang na hindi na makabalik sa pulitika at tuluyang magretiro.
Alam ni Misfit Sara ang kabuuan ng laro. Huwag magpadala sa mga hindi nakakatuwang drama ni Misfit Sara. Hindi epektibo ang taktika niya na umiwas sa proseso. Inaasahan na isusumite ng House Committee on Justice sa plenaryo ang isyu ng impeachment ni Misfit Sara. Hindi kami magtaka kung maglabas ang Kapulungan ng Articles of Impeachment na isusumite sa Senado na magsisilbing hukuman upang litisin si Misfit Sara.
Hindi uubra ang kapalaluan ni Misfit Sara. Hindi uubra ang istilo niya na huwag pansinin ang isyu. Hindi makakaporma ang kanyang mga maiingay na kakampi sa Senado tulad ni Tricky Tsis Escudero na nahaharap sa sakdal na plunder, o pandarambong. Kapag sumulong ang sakdal laban kay Tricky Tsis, matatalian ang kanyang mga kamay at mabubusalan ang kanyang bibig. Hindi kami magtaka kung sumunod si Joel Villanueva at Jinggoy Estrada.
Nahaharap sa ganap na neutralization ang paksyon ni Tricky Tsis sa Senado. Kabawasan rin si Bato dela Rosa na tuluyan ng nagtatago at nawala sa Senado. Nahaharap sa sakdal na plunder si Bong Go. Bukod diyan, maaaring maglabas ang ICC ng arrest warrant laban sa kanya. Lima na kaagad ang neutralized sa grupong oposisyon na kumakandili kay Misfit Sara.
Hindi kinikilala ang talino at angas ng matitirang senador na kakampi ni Misfit. Maaari bang iwanan ang kanyang kapalaran kay Rodente Marcoleta, Alan Peter Cawatano, Camoteng Robin Padilla, Imee “Babs” Marcos? Hindi sila kilala sa husay at talim ng kanilang natitirang dunong at kasanayan sa pulitika.
Hindi pabor kay Misfit Sara si Senate President Tito Sotto na nagsabi na uumpisahan kaagad ng Senado na buuin ang sarili bilang impeachment court upang litisin si Misfit Sara sa sandaling isumite ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang Articles of Impeachment laban sa kanya. Kabaligtaran ang sinabi Sotto sa paninindigan ni Tricky Tsis na nagpatumpik-tumpik upang pagtakpan si Misfit sa mga paratang sa kanya.
***
Sa pagdinig ngayon Miyerkoles sa Kapulungan, dalawang isyu ang uungakatin ng Justice Committee na pinamumunuan ni Kin. Jinky Luistro ng Batangas – ang tagong yaman at banta na ipapatay niya si BBM, Liza Marcos at Martin Romualdez. Dadalo si dating senador Sonny Trillanes na nakumpirmang natanggap ang subpoena ad testificandum at duces tecum upang ilatag sa komite ang mga katibayan na kanyang hawak laban sa Misfit.
Sa bisa ng utos ng Kapulungan, hiningi na ilabas ni Trillanes ang mga “original” o “certified true copies of documents” na may kaugnayan sa bintang na may “unexplained wealth” si Misfit na wala sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, & Net Worth (SALN).
Hiningi ng subpoena kay Trillanes “to testify that Rodrigo Duterte, jointly with his daughter, Vice President Sara Z. Duterte maintained numerous accounts where hundreds of millions if not billions of pesos were deposited/transferred over the years, and other related matters.”
Inaasahang magiging madugo ang paliwanagan. Magkakaroon pa ng isang pagdinig sa ika 29-ng Abril at isusunod kaagad ang desisyon kung isusumite ito sa plenaryo ng Kapulungan. Inaasahan ng Senado ang Articles of Impeachment bago ang pagbubukas ng regular na sesyon ng Kongreso sa ika-4 ng Mayo.
Uumpisahan sa Mayo ang paglilitis kay Misfit Sara. Dito na mag-uumpisa ang kanyang kalbaryo dahil neutralized na ang kanyang mga kakampi. Tanging si Cawatano at Rodente na lang ang may kapasidad na magsalita para sa kanya.
***
KAPURI-PURI ang desisyon ni Naga City Leni Robredo na huwag pumalaot sa halalang pampanguluhan sa 2028. Marapat lang na purihin si Leni sa kanyang pahayag na iwan na lang sa mga karapat-dapat ang halalang pampanguluhan sa 2028.
Mukhang hindi nadala si Leni sa mga sulsol ng ilang kapanalig na naniniwala na Leni ang may malakas na tsansa sa 2028. Hindi pa siya nagbigay ng suporta sa sinuman na magiging kandidato ng demokratikong oposisyon sa 2028.
***
MGA PILING SALITA: “Mas mabigat ang susunod na pagdinig sa impeachment ng pangalawang pangulo dahil wala nang star witness na pag-uusapan. Hindi na mga personalidad ang sentro ng usapan—mga dokumento na mismo ang magsasalita.” – Kin. Terry Ridon, Bicol Saro Party List
“Kung makita ng komite na ang totoong kayamanan ng pangalawang pangulo ay halos doble na ng kanyang SALN, malinaw na puwede itong maging sapat na batayan para sa probable cause ng unexplained wealth.” – Kin. Terry Ridon, hepe ng House Committee on Public Accounts
“Ang kailangan ng publiko ngayon sa impeachment, under oath para sa katotohanan at hindi no-show. Kung talagang gusto niyang pabulaanan si [Ramil] Madriaga, huwag sa caption, huwag sa press statement, huwag sa paikut-ikot na soundbite. Humarap siya sa komite, manumpa, at sumagot.” Deputy Speaker Kin. Pablo Ortega V ng La Union